Para sa eleksyon 2022 PETSA SA PAGHAHAIN NG COC INIHAYAG NG COMELEC

ITINAKDA ng Commission on Elections (Comelec) na simula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8 ang paghahain ng ceritificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon para sa halalang Mayo 2022.

Nilinaw rin sa Comelec Resolution No. 10695 na kasama ang Sabado at Linggo sa nasabing panahon.

Binanggit din sa parehong desisyon na simula sa Enero 9, 2022 hanggang Hunyo 8 ng parehong taon magaganap ang “election period”.

Bagamat ang mga kandidato para sa pambansang posisyon tulad ng pangulo, pangalawang pangulo at labingdalawang senador ay maaaring mangampanya mula Pebrero 7 hanggang Mayo 7.

Kasama sa panahong ito ang mga tatakbong party-list dahil buong bansa ang saklaw ng eleksyon nito.

Ang kampanya ng mga tatakbo sa posisyong panglokal (kongresista at mga posisyon sa mga pamahalaang lokal mula sa lalawigan hanggang munisipalidad) ay mula Marso 25 hanggang Mayo 7 lalarga.

Ngunit, lahat ng kandidato sa lahat ng posisyon ay pinagbabawalang mangampanya sa Abril 14 at 15 dahil “Maundy Thursday” at “Good Friday” ang nasabing mga araw.

Idiniin ng Comelec na iiral ang “gun ban” at pagdadala ng mga nakamamatay na sandata, kabilang ang mga alalay ng mga kandidato at politiko sa panahon ng halalan, maliban sa mga taong pahihintulutan ng Comelec na magdala.

Ipinagbawal din ng Comelec ang pagtalaga sa anomang posisyon sa pamahalaan at paglipat ng sinomang tao saan mang posisyon sa pamahalaan sa panahon ng halalan.

Hindi rin pinayagan ang pagsuspinde sa sinomang opisyal at kawani sa pamahalaan sa parehong panahon.

Kasama rin sa ipinagbawal ang paglilipat ng presinto at paglikha ng bagong presinto sa panahon ng halalan. (NELSON S. BADILLA)

192

Related posts

Leave a Comment