SA hangangatin tiyakin ang maayos at mabilis na prosesong kalakip ng inaasahang pagdagsa ng mga padala para sa nalalapit na Kapaskuhan, isang kasunduan ang binalangkas at nilagdaan ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport at mga pribadong kumpanyang nangangasiwa ng mga padala at bodegang pinaglalagakan ng mga bagahe at kargamento.
Sa isang pulong sa pagitan nina Port of NAIA District Collector Carmelita Talusan at DHL Express Philippines Country Manager Nigel Locket, DHL Operations Chief Promod George, Customs Clearance Manager Cecilia Paras, at iba pang opisyal ng BOC-NAIA, partikular na tinalakay ang inaasahang pagdami ng mga lalapag na kargamento sa pagtungtong ng mga tinatawag na “Ber months.”
Para kay Talusan, angkop lamang na ihanda ang isang sistemang magbibigay-daan para sa isang mahigpit subalit mabilis na pagsusuri ng mga bagahe at kargamentong inaasahang bubugso pa sa mga susunod na buwan.
Tugon naman ng DHL, kanila nang nirerebisa ang pinaiiral na sistema kasabay ng pagtitiyak ng pagdaragdag ng mga tauhan para sa kanilang sangay sa NAIA upang tiyaking hindi maantala ang paghahatid ng mga Balikbayan boxes na padala ng mga overseas Filipino worker sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas.
Kabilang naman sa mga kinokonsidera ng pamunuan ng BOC-NAIA ang extended working hours ng mga kawani ng kanyang tanggapan upang tiyaking tuloy-tuloy ang X-ray examinations, at K9 sweeping para maiwasan ang aberyang kalakip ng pagkaantala ng mga padala.
Kasabay nito, tiniyak din ni Talusan na bagama’t puspusan at paspasan ang proseso sa pagre-release ng mga Balikbayan boxes, bagahe at mga kargamento, hindi naman aniya dapat maging kampante ang kanilang mga kawani sa posibilidad na masingitan ng mga ilegal na kontrabando ang inaasahang pagdagsa ng mga padalang dadaan sa paliparan. (JO CALIM)
