PARA SA SINTANG PAARALAN NG MASA

Psychtalk

Itong huling mga linggo, marahil nabasa o narinig natin ang isyu sa mga imbestigasyon at pronouncements ng matataas na pinuno ng pamahalaan gaya ng ilang senador at mismong pangulo tungkol sa ilang pamantasan ng estado, partikular ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Nariyang bansagan itong recruitment site ng New People’s Army (NPA). Pinigilan din ang pagbibigay sana rito ng national university status dahil may kailangan pa itong patunayan pagdating sa ranking at performance kumpara sa iba pang pamantasan ng gobyerno (SUCs).

Para sa mga taong gaya ko na kahit papano ay nakakabit ang identidad sa pamantasan, masakit marinig ang mismong pangulo ng bansa ang nagbitaw na wala siyang pakialam kung magsara ang nasabing pamantasan.

Hindi ako nakarating kung nasaan ako ngayon kung hindi dahil may paaralan para sa mga wala o kapos sa buhay. Kada taon may 70 libong mag-aaral ng mga pamilyang kapos ang nabibigyan ng pagkakataong mangarap at matupad ito sa kalaunan. At kung pagbabatayan naman ay performance, hindi naman yata magsisinungaling ang mga datos sa PRC at CHED. Sulit na sulit ang limitadong budget na ibinibigay ng gobyerno sa kung ano ang naaabot ng mga mag-aaral ng PUP.

Kahit saan naman pwedeng mag-recruit ng NPA. Sabi sa isang Facebook post, baka sa iba hindi na kailangang pumasok sa PUP para ma-recruit na sumali sa kilusan kung totoo ‘yon. Sumakay ka lang ng MRT, paglabas mo baka magkukusa ka nang mamundok dahil tumambad sa mukha mo ang re­yalidad na pinagdadaanan ng ordinaryong mamamayan.

Ngunit icing on the cake lang ang usapin na ‘yan. Ang mas mahalagang usapin ay paano ipapaunawa sa pangulo na kapag pinabayaan niya ang PUP, ang pinakatunay na paaralan ng masang Filipino, ay para na rin niyang pinagkaitan ng pag-asa ang pinakamahihirap na kabataang magkaroon ng mas malakas na tsansang umigpaw sa kahirapan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

189

Related posts

Leave a Comment