PARANGAL SA NAMATAY NA 5 RESCUERS, KULANG

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI lang dapat matapos sa kaliwa’t kanang parangal o pagkilala ang ibigay sa ­limang rescuers na namatay sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng Super ­Typhoon Karding kamakailan.

Sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby ­Bartolome, Jerson Resurrecion at Narciso Calayag, Jr., ay pawang mga miyembro ng ­Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan.

Ayon sa Facebook page post ni Bulacan Vice Governor Alex Castro, ang limang rescuers ay namatay habang naghahanda sa kanilang isasagawang rescue operations sa pananalasa ng ST Karding sa San Miguel, Bulacan.

Matinding binayo ng ST Karding ang lalawigan ng ­Bulacan, Quezon at Nueva Ecija kaya naging abala ang kanilang rescuers sa panahon na ‘yun.

“Sa kanilang paghahanda ng life boats ay rumagasa ang flashflood sa kanilang lokasyon na nagpaguho ng isang pader at siyang dahilan ng pagdaloy ng tubig-baha na umanod sa ating mga rescuers,” ani Castro.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, as of 4:06 p.m. on Monday, lima ang patay, habang anim pa ang nawawala dahil sa nasabing bagyo.

Base data ng ahensya, may kabuuang 20,380 pamilya o 78,907 katao ang inilikas sa walong rehiyon ng Luzon.

Sa ganang akin, hindi lang tayo dapat, lalo na ang mga opisyal ng gobyerno, makuntento sa parangal na ating ibinibigay sa ating rescuers na nagbubuwis ng buhay.

Dapat kaakibat niyan ang kompensasyon sa kanilang pamilya, lalo ang kanilang mga anak na naiwan sa kanilang ­pagliligtas sa ibang tao.

Kinakailangan tingnan natin ang magiging buhay ng mga anak na kanilang iniwan, lalo na ang gastusin sa kanilang pag-aaral.

Mga padre de pamilya ang limang rescuers na namatay, sila ang inaasahan ng kani-kanilang mga pamilya na mag-aahon sa kanila pagdating ng panahon.

Lahat ng kanilang mga pangarap ay naglaho dahil lang sa pagliligtas sa ibang tao.

Wala nang ibang aasahan ang pamilya ng limang rescuers na kanilang iniwan, na makatutulong sa kanila, panahon naman ngayon na mag-take over ang gobyerno sa responsibilidad ng mga namatay sa kanilang pamilya.

Dapat maging scholar ang mga anak ng limang ­rescuers at matulungan sila sa mga ­gastusin hanggang maka-recover ang kani-kanilang pamilya.

Panahon na para sa lahat ng rescuers na mabigyan ng nararapat na mga benepisyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

143

Related posts

Leave a Comment