SOBRA SA TRABAHO, KULANG SA SWELDO

SOBRA-SOBRA ang trabaho at mas malawig na oras sa gawain ang nararanasan ng mga guro.

Dahil dito, nanawagan ang Teachers’ ­Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na maglabas ng malinaw na polisiya sa working hours ng mga guro makaraang lumitaw ang ulat na ang mga guro ay binibigyan ng sobrang trabaho at mas mahabang oras ng pagtuturo.

Ang ibang guro ay sapilitang nagtatrabaho nang sobra sa anim na oras dahil kulang ang personnel. Nagkakaroon ng malaking bilang ang isang klase kaya sumisikip ang silid-aralan at humahaba ang oras ng pagtuturo.

Nararanasan na ng mga guro ang labis na pagod dahil sa paperwork, reports, at online na trabaho, bukod sa face-to-face na klase.

Dapat bawasan ang administrative na trabaho at ibang gawain at magdagdag ng mga guro para matugunan ang kakapusan. Hindi dapat dinadagdagan ang trabaho ng guro dahil bugbog na sila sa gawain ay mababa pa ang suweldo.

Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa, nakatakda nang mag-isyu ang Bureau of Human Resource and Organizational Development-­Organization Effectiveness Division ng DepEd, ng polisiya hinggil sa working hours.

Mabilisang pagpapairal sana ang gagawing aksyon ng DepEd at ipatupad sa buong kapuluan.

Ang sobra sa anim na oras na trabaho sa eskuwelahan ay labag sa umiiral na polisiya ng DepEd kaya ang nararapat ay gawan ng agarang pagtugon ng kagawaran at atasan ang mga field official na sumunod sa mga ­alituntuning itinakda ng Magna Carta for Public School Teachers, CSC Resolutions at iba pang ipinalabas ng DepEd.

Base sa mga alituntunin, ang mga guro ay may karapatan sa dagdag na bayad kapag inatasang magtrabaho nang lagpas sa normal na gawain.

Kung magdaragdag naman ng guro ay posibleng hindi ipagkaloob ang hinihingi nilang salary increase. Ang polisiyang mag-iimplementa ng anim na oras na trabaho ang dahilan kaya upang ipagkait ang hangad nilang dagdag-suweldo?

383

Related posts

Leave a Comment