NAHULOG sa ilog ang 21 katao kabilang ang isang pari nang magkaaberya ang isang bahagi ng hanging bridge sa Sitio Tabuk, Barangay Poblacion, Bulalacao, Oriental Mindoro kahapon ng umaga.
Sa ulat na ibinahagi ni Bulalacao Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Milet Osorio, alas-9 ng umaga ay tumatawid ang mga biktima nang maganap ang insidente.
Patungo sana sa Sitio Tabuk ang grupo para sa idaraos na misa kaugnay sa pagdiriwang ng kanilang town fiesta. Ngunit, habang binabagtas ang hanging bridge ay naputol ang kable sa kabilang gilid ng tulay kaya tumagilid ito.
Dito na nahulog ang mga biktima maliban sa ilang nakapaglambitin sa tulay.
Mabilis naman nailigtas ang mga nahulog kabilang ang ilang bata.
May kalumaan na umano ang hanging bridge at nasira na rin ito noong 2019 nang manalasa ang bagyong Ursula subalit hindi kaagad sumailalim sa rehabilitasyon. (JESSE KABEL)
