NAIS ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na patawan ng hindi malilimutang parusa ang mga balimbing na politiko.
Sa House Bill (HB) No. 488 na inakda ni Arroyo, nais nitong patatagin ang political party system sa bansa at magkaroon ng loyalty ang mga politiko sa kanilang partido.
Binigyang diin ng dating lider na maraming politiko ang agad nagpapalit ng partido matapos manalo kaya nararapat aniyang bawiin ang pwesto ng mga ito.
“Our history tell us that political parties in the Philippines are normally used only as vehicles to win election. Hence, most political aspirant changes political parties for convenience, rather than because of conviction,” paliwanag ni Arroyo sa kanyang panukala.
Nagpapakita lamang aniya ito na walang ‘ideological commitment” ang mga politiko sa kanilang partido dahil kung sino ang malakas ay pinupuntahan ng mga ito matapos ipanalo ng kanilang dating partido.
“Turncoatism should never be encourage nor tolerated since it only distort the concept of word of honor and dignity of a leader,” ayon pa sa dating pangulo kaya kailangan aniya ang kanyang Political Party Act.
Sa ilalim ng panukala ni Arroyo, tatanggalin sa kanyang pinanalunang pwesto ang mga balimbing na politiko kapag lumipat ito ng partido, isang taon bago at pagkatapos ng halalan.
Bukod dito, hindi na papayagan na tumakbong muli sa anomang posisyon ang balimbing na politiko na binawiin ng pwesto at hindi rin ito maaaring magkaroon ng puwesto sa gobyerno sa loob ng 3 taon mula nang bumalimbing ito.
Hindi na rin ito pwedeng kunin ng ibang partido o kaya magtayo ng sariling partido bilang kaparusahan sa kawalan ng loyalty sa kanyang political party.
Kailangan ding isoli nito ang lahat ng gastos sa kanya ng partido na may surcharge na 25% lalo na’t bahagi ng panukala na ang partido ang gagastos sa kandidatura ng kanilang miyembro kapag naging batas ito.
“In general, the proposed bill hopes to transform the Philippine political parties from personality-oriented to issue-oriented organization. Thus, we can provide our constituent with better brang of party politics,” ayon pa sa panukala ni Arroyo. (BERNARD TAGUINOD)
231 