PASAMA NANG PASAMA ANG GINAGAWA NG ADMINISTRASYON

MAHIGIT isang taon na lang ang natitirang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa huling kwarter ng kasalukuyang taon ay simula na ang ­paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga politikong tatakbo sa pambansang posisyon, kasama na siyempre, ang pagiging pangulo ng bansa dahil halalan na sa Mayo 2022.

Kaso, nakadidismaya ang nangyayari sa ating bansa dahil pasama nang pasama ang ginagawa ng administrasyong Duterte, sa halip na bumuti.

Palagay ko, hindi lang dismayado ang mayorya ng mamamayang Filipino kundi nabubuwisit na.

Alam na alam at kumbinsidung-kumbinsido si Duterte na malaki ang problema natin sa COVID-19.

Kaya nga, inaprubahan niya ang P4.5 trilyong badyet para sa 2021 kung saan kasama ang P72.3 bilyong pambili ng bakuna laban sa COVID-19.

Kaso, ang tiyak nang bibilhin ay ang bakunang gawa sa China na ilang ulit nakarating sa Pilipinas ang impormasyong 50 porsiyento lamang ang bisa nito laban sa COVID0-19.

Samantalang ang bakunang gawa ng kumpanya sa Estados Unidos na kumpirmadong mahigit 90 porsiyento ang tinatawag na “efficacy rate” at higit na mababa ang presyo kumpara sa bakunang ipinagmamalaki ng China, ngunit hindi iginiit ang pagbili rito.

Tapos sasabihin ng tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Harry Roque Jr. na hindi dapat maging “choosy” ang mamamayang Filipino.

Pokaragat na ‘yan!

Ganyan ba sumagot ang ­matinong opisyal ng pamahalaan?

Tapos, biglang itinalaga ni Duterte si dating Justice Secretary Vitaliano “Vit” Aguirre II bilang komisyoner ng National Police Commission (Napolcom).

Ang trabaho, tungkulin at obligasyon ng Napolcom ay tanggalin sa Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nakagawa ng kasamaan tulad ng korapsyon, pangingikil at iba pang krimen, kabilang na ang pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Nang batikusin ni Senadora Leila de Lima ang pagkakatalaga ni Duterte kay Aguirre dahil naiugnay ang huli sa iba’t ibang isyu ng korapsyon, sinopla ni Roque ang senadora.

Idiniin ni Roque kay De Lima na magpresidente ka muna.

Kung si De Lima na raw ang pangulo ng bansa ay makakapili ito ng kahit sinong taong gusto nitong bigyan ng posisyon sa pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Ganyan ba sumagot ang ­matinong opisyal ng pamahalaan?

Si Aguirre ay siyang kalihim ng Department of Justice (DOJ) nang mapawalang-sala sa isyu ng iligal na droga sina Kerwin Espinoza at Peter Lim.

Si Aguirre ang kalihim ng DOJ nang magsimula ang sindikatong “Pastilyas” sa Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ngayong binigyan uli ni Duterte ng posisyon sa pamahalaan si Aguirre ay isasagot ni Roque sa mambabatas na pumuna sa palpak na desisyon ni Duterte ay “magpresidente ka muna”.

Pokaragat na ‘yan!

Ang pinakamatindi sa pinakabagong ipinapagawa ni Duterte sa Kongreso, ayon kay Senate Presidente Vicente Sotto III, ay baguhin ang Konstitusyon upang mawala ang sistemang party-list.

Dahil sa tindi ng galit ni Duterte sa mga kongresistang pinaniniwalaang kasapi ng Communist Party of the Philippine – New People’s Army – National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA- NDFP) ay baguhin na lang ang Saligang-Batas.

Pokaragat na ‘yan!

Totoong sinalahula ng mga politiko ang implementasyon tungkol sa konsepto ng sistemang party-list na mayroong magandang ­layunin sana sa pagkakaroon ng sistemang party-list sa ating bansa dahil ito ang napakagandang oportunidad ng iba’t ibang “marginalized sector” na magkaroon ng kani-kanilang kinatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ngunit, hindi naman dapat ito ang batayan upang baguhin ang Saligang-Batas ng bansa.

Ang nakaiinis, masama ang pakay sa iniutos na “charter change” (cha-cha), ngunit pinabango ito ng mga kongresista sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco.

Kailangan na raw amiyendahan ang probisyon ng Konstitusyon tungkol sa 40 porsiyentong limitasyong ibinigay sa mga dayuhang kapitalista na maksimum na parte ng kanilang pag-aari sa isang kumpanyang magnenegosyo sa bansa.

Sabi ng pangkat ni Velasco, kailangang palawigin na ang 40 porsiyento upang sumulong at umangat ang ekonomiya ng Pilipinas.

Matagal nang namamayagpag ang mga negosyo ng mga ­banyagang kapitalista rito sa Pilipinas, partikular sa public utilities tulad ng tubig, kuryente, telepono, kalsada, tren at marami pang iba, ngunit napakakupad ng pagsulong at ­pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Mula noon hanggang ngayon ay hindi matapus-tapos ang suliranin ng bansa sa mga ­manggagawang walang regular na trabaho at napakababang minimum na buwanan at arawang suweldo.

Tapos, ikakasa uli ang cha-cha upang ligal ang pagiging dominante at kontrol ng mga banyagang kapitalista sa malalaking negosyo sa bansa.

Por diyos, por santo, bakit ba pasama nang masama ang ­ginagawa ng administrasyong Duterte?

96

Related posts

Leave a Comment