NAGSUSPINDE ng pasok sa eskwela at trabaho ang ilang local government units (LGUs) sa La Union, Pangasinan, at Benguet nitong Huwebes, matapos maramdaman ang magnitude 4.8 na lindol na tumama sa bayan ng Pugo, La Union.
Batay sa inisyal na ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumama ang lindol dakong alas-10:30 ng umaga, Oktubre 9, at may lalim na 10 kilometro. Ang epicenter ay tinukoy na 2 kilometro hilagang-silangan ng Pugo.
Naramdaman ang Intensity V sa Baguio City, habang Intensity III naman sa Aringay, La Union; Bontoc, Mountain Province; at Sison, Pangasinan.
Sa San Fernando, La Union; Nampicuan, Nueva Ecija; at Dagupan City, Pangasinan, ay Intensity II, at Intensity I naman sa Lingayen at Urdaneta City, Pangasinan.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng lindol, na nangangahulugang dulot ito ng paggalaw ng isang aktibong fault sa rehiyon.
Bagama’t nagbabala ang ahensya sa posibilidad ng maliit na pinsala, tiniyak nitong wala namang inaasahang aftershocks kasunod ng pagyanig.
(JESSE RUIZ)
124
