PATAS NA JUSTICE SYSTEM ASAHAN KINA GUEVARRA AT REMULLA

BISTADOR Ni RUDY SIM

ISANG matalinong desisyon ang ginagawang pagpili ni President-elect Ferdinand “Bong­bong” Marcos Jr. ng mga miyembro ng kanyang gabinete at opisyales na ilalagay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa tulong din ni Incoming Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na nagpapatunay lamang na walang palakasan at para sa kapakanan ng sambayanan upang isakatuparan ang mga naipangako nito sa sambayanan noong panahon ng kampanya.

Marami ang humanga sa naging desisyon ni PBBM na maglingkod sa kanyang administrasyon si Outgoing 59th Justice Secretary Menardo “Boy” Ilasco Guevarra bilang Solicitor General dahil sa kanyang katangian na matalino, matapang at tapat sa kanyang tungkulin.

Mahalaga ang ginagampanang tungkulin bilang SolGen, kung ang mga entrepreneur ay mayroong lawyer at adviser ay gayundin ang ating pamahalaan, na legal na tagapayo at tagapagtanggol sa mga ibinabato at ipinupukol sa gobyerno.

Si Guevarra ay nagtapos na Magna Cum Laude sa kursong Political Science sa Ateneo De Manila University noong 1974, pumasok sa UP Diliman at nakumpleto ang kanyang master degree sa economics noong 1977 at naging pangalawa sa 1985 Bar Exams. Naglingkod muna bilang Deputy Executive Secretary bago ito itinalaga ni PRRD bilang kalihim ng DOJ noong 2018. Dito ay nakita ang katapatan ni Guevarra sa bayan na walang anumang bahid ng korapsyon na kinasangkutan hindi katulad sa panahon nina Vitaliano Aguirre at Leila De Lima.

Isa sa sampung ahensya ng pamahalaan ang Bureau of Immigration (BI) na nasa ilalim ng kapangyarihan ng DOJ, na kahit minsan ay wala tayong narinig na nagsamantala si Guevarra kundi ay naging patas pa ito at itinama ang maling impormasyon na nakarating kay PRRD, at mayroong tamang proseso ang batas para sa mga tauhan ng BI na isinangkot sa umano’y Pastillas scam. Sa panibagong tungkulin na ibinigay kay Guevarra ay nararapat lamang na tingnan nitong maigi ang katotohanan sa likod ng ­kontrobersya kung sino ang dapat managot at sino ang mga idinamay lamang sa kaso dahil sa maruming takbo ng pulitika, upang muling maibangon ang pangalan ng ahensya.

Papalitan si Guevarra ni Crispin “Boying” Remulla na pinili at pinagkatiwalaan ni PBBM, upang tumulong na maibigay ang tamang hustisya sa mga napagkaitan ng katarungan. Unang naging matunog ang pangalan ni Congressman Rodante Marcoleta bilang kalihim ng DOJ ngunit naudlot ang kanyang kasiyahan at ng kanyang mga alipores at daig pa nito ang nasawi sa pag-ibig nang hindi nasungkit ang kanyang inaasahan.

Nabigo man si Marcoleta ay muling umugong na ang Department of Energy ni Gary V.’ este, (DOE) ang sana’y ibibigay sa kanyang puwesto ngunit tila batang paslit ito na nag-inarte na hindi siya interesado sa inaalok na puwesto at babalik na lamang sa Kongreso.

Patunay lamang ito na ang pagpasok ng administrasyon ni PBBM ay isang tunay na unity para sa bansa.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

299

Related posts

Leave a Comment