HINDI na bago ang siraan sa tuwing sasapit ang halalan. Kanya-kanyang pukol ng bato ang mga kandidato – may namemersonal, mayroon din namang nandadamay. ‘Yan ang estilo sa Quezon City ng isang laos na artistang pinili na lamang maging trapo.
Sa isang banda, tama rin naman. Kasi naman nabola niya ang mga tao sa ika-limang distrito. Sa loob ng siyam na taon, siya ay nanungkulan bilang kinatawan
ng distrito sa Batasan.
Dahil last term na pala ang kongresista, utol naman niya ang binitawan sa ruweda sa hangaring palawigin ang impluwensya sa distritong nagbigay ng bonggang ganansya.
Sa pagsalang ng kapatid ni QC Rep. Alfred Vargas, umaatikabong patutsada ang inilalabas kontra negosyanteng kalaban sa pulitika. Katunayan, nito lamang nakaraang linggo, muling bumira ang kanilang kampo sa anila’y vote-buying ng kalabang kandidato.
Ang problema, pumalpak ang diskarte dahil sa sablay na impormante. Alegasyon ng kampo ni Vargas, pinipilahan ang perang bayad sa boto pagsapit ng Mayo – bagay na itinanggi ng mga nakapilang tao.
Lumalabas na ang pila ay para sa application forms para sa qualifying exam sa libreng edukasyon sa kolehiyo. Hay naku congressman, pumalpak ka na naman. ‘Wag kasi puro pera iniisip mo. Pati tuloy mga scholar nasagasaan mo.
Ang totoo, pwede namang sa tanggapan ni Congressman pumila ang kanyang mga ka-distrito kung may programa lang sana siyang libreng edukasyon
sa kolehiyo. Ang problema nga lang, walang ganung gimik ang artistahing kinatawan.
Bilang isang mambabatas, dapat maalam ka sa batas. Walang batas na nagbabawal sa mga mamamayan – partikular sa mga kabataan – na mangarap, magsikap at gumawa ng paraan para makapag-aral at makapagtapos man lamang.
Bilang isang kongresista, dapat batid mo ang realidad – malaking bentahe ang edukasyon para makakuha nang maayos na trabaho.
Bilang isang pulitiko, angkop din ang sentido kumon – hindi pwedeng arya lang nang arya dahil lang gusto mo bumira. Hayan tuloy, ang inakalang mabisang tirada sa kanya pa bumalandra.
Kung ako si Congressman Vargas, hindi ko pupuntiryahin ang isang matinong programa kesehodang ideya pa ng karibal sa pulitika. Ang angkop na taktika, ngumiti (dun lang naman siya magaling), magpasalamat at bumalangkas ng sariling programang higit pa sa kung ano ang kayang ibigay ng nasa kabila.
Hindi niya kailangang bumunot sa sariling bulsa. Bilang kinatawan sa Kongreso, siguradong may nakalaang pondo sa kinakatawang distrito.
Ang masaklap, hindi rin naman pala siya kalinisan lalo pa’t maging ang Ombudsman kumbinsidong may bulilyaso sa programang pekeng pabahay ng kongresistang nahaharap ngayon sa reklamong isinampa ng hindi bababa sa 500 pamilyang mula sa kanyang kinakatawang distrito.
Kung sa bagay, pinakamabisang paraan para makalimutan ang bulilyasong kinasasangkutan ay ang paglikha ng bagong isyung pag-uusapan. Istayl mo, bulok!
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
