BABALIKAN ng Kongreso ang malalaking anomalya na bumalot umano sa Philippine Insurance Health Corporation (PhilHealth) upang makagawa ng batas kung paano i-overhaul ang nasabing state insurance.
Ito ang laman ng resolusyon na inihain ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kaugnay ng panibagong kontrobersya sa PhilHealth nang mag-resign si Atty. Thorsson Montes Keith, anti-fraud legal officer, matapos ipitin ang kanyang sahod dahil sa pag-iimbestiga sa katiwalian sa nasabing ahensya.
Ayon kay Defensor, seryoso ang alegasyong nagpapatuloy ang katiwalian sa PhilHealth na hindi dapat ipagwalang bahala lalo na’t kailangan na kailangan ngayon ng mga miyembro nito ang tulong sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Kabilang umano sa iimbestigahan ay ang nawawalang P154 bilyon pondo sa PhilHealth dahil sa mga tinatawag na fraudulent schemes na inilutang ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Hindi rin palalagpasin ni Defensor ang report ng Commission on Audit (COA) noong Agosto 2019 dahil sa paglobo umano ng mga nagkakasakit ng pneumonia, acute gastroenteritis, urinary tract
infection, sepsis at iba pa sa Metro Manila at Rizal province.
Gayundin ang inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee noong 2015 hinggil sa cataract anomaly at ang estado ng imbestigasyon sa mga ghost patient sa mga dialysis center tulad ng nabunyag na ginagawa umano ng WellMed Dialysis Center sa Quezon City.
Ayon Defensor, layon ng imbestigasyon na makagawa ng batas para i-overhaul na ang PhilHealth dahil mistulang may pattern umano ang mga pang-aabuso sa pondo ng mamamayan dahil sa mga butas sa batas na sinasamantala ng mga tiwali sa nasabing state insurance. (BERNARD TAGUINOD)
