“PAYE”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

AYAW ko na sanang pumaksa ng kung anoman na may kaugnayan sa lumalawak at patuloy na graft and corruption sa ating gobyerno. Manhid na ako. Nakasusuka na. Dahil kahit na ano pang dakdak na paepal ng mga awtoridad sa ating pamahalaan – Malakanyang, Senado, Kongreso, DOJ, Ombudsman etc. – wala ring nangyayari. Mahigit kalahating taon na pagkatapos na ibulgar ni PBBM ang muli-bilyong pisong dekwatan sa flood control projects ng DPWH, wala pang kinakasuhan at itinatangkal sa kulungan na malalaking tao sa gobyerno.

Pero nagulat ako nang magpalabas nitong Lunes ng umaga ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kay dating Senador Bong Revilla Jr. hinggil sa umano’y anomalya ng P92.8 million flood control project sa Bulacan. Pero natuklasan na wala raw naman ang proyekto. Ibig sabihin – “ghost project”. Kinulimbat lang ang pondo. Kasangkot ni Revilla sa ibinibintang na krimen ang ilang opisyales ng DPWH. Walang piyansa ang kaso

Kinagabihan pagkatapos ilabas ang warrant, kusang-loob na sumuko sa CIDG si Revilla. Kagaya ng inaasahan, tumanggi siya sa ibinibintang na krimen.

Ito na ba ang simula ng pagtugis sa mga tinatawag na “malalaking isda”? Kasunod na ba sina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Chiz Escudero at iba pang matataas na opiyal sa gobyerno kabilang ang ilang mambabatas sa Kongreso na may kinasasangkutan din na mga umano’y anomalya sa pondo ng pamahalaan? Nararapat lang. Ito ang hinihingi ng taong-bayan – ang managot ang sinomang nangungulimbat sa pondo ng gobyerno. At upang bigyan din naman ng pagkakataon ang mga akusado na linisin ang kanilang pangalan.

Matagal nang nangyayari sa gobyerno ang dekwatan sa pondo. Para na itong isang natural na praktika simula sa barangay hanggang sa nasyunal na antas ng pamahalaan. Iba’t ibang lebel ang katakawan ng mga korap. ‘Yung iba ay kuntento nang makaparte mula sa napagkasunduang kickback. Ang lahat ng pumirma sa dokumento ng proyekto ay may kanya-kanyang bahagi sa kabuuang kurakot.

Pero meron talagang sagad na korap. Nagdidikta na siya ng kanyang sariling gayat sa kick-back – mula 30 hanggang 40 porsyento ng pondo. Bahala nang kumupit para sa kanilang sarili ang iba pang kasabwat. Kaya may proyekto na nakalulula ang halaga subalit ampaw naman ang pagkakagawa. Dinugas kasi ang malaking bahagi ng pondo.

Pero ang mas nakagagalit ngayon ay ang bulgarang pagnanakaw. Hindi lang ampaw na proyekto ang ginagawa. Meron na ring natutuklasan na walang proyektong ginawa ngunit limas ang pondo.

Saan nagsimula ang ganitong praktika? Bakit ito nagpapatuloy na parang normal nang kalakaran sa ating pamahalaan? Diretsahan na. Ang madalas na pasimuno ng dekwatan ay mga politiko (HINDI naman lahat) at mga pinuno ng tanggapan ng gobyerno.

Ikulong muna natin sa politiko. Likas bang praktika ito ng mga politikong Pinoy? Bakit hindi matututong magnakaw si politiko? Sa panahon ng kampanyahan ay target na sila ng mga botante – ginagatasan, hinihingian, kinokotongan at marami pang raket na paghingi ng pera.

Ang mga lokal na opisyal naman, ang ginagatasan ay ang mga kandidato sa nasyunal para ikampanya nila sa lokalidad. At kapag hindi nagbigay si kandidatong politiko, ang agad na reaksyon: “Kuripot ka!”. “Talo ka sa bayan ko!”

Ngayon, sino ang dahilan bakit maraming korap na politiko? Bakit may nagaganap na mga kulimbatan ng pondo? Sino ang dapat sisihin?

TAYO.

##########

Minsan ko na itong pinaksa pero muli kong uulitin bilang pasasalamat sa mahal na patrong Sto. Niño at upang ibandilyo na rin sa publiko ang kanyang ginawang himala sa buhay ko.

Kapiyestahan ni Sto. Niño nitong nakaraang Linggo, Enero 18. Si Sto. Niño de Lucena o si “Paye” ang patron ng pamilya ng peryodista. Noong totoy pa si Tsiboy – ang aming uniko iho – kapag pumapasok kami sa katedral ni San Fernando dito sa amin sa Lucena City, ang imahe niya ang una naming pinupuntahan para manalangin. Ipinakilala namin kay Tsiboy na si Sto. Niño de Lucena ang kanyang “Pare”. Pero hindi niya ito mabigkas at sa halip ay “Paye” ang lumalabas na salita sa kanyang bibig. Hanggang ngayon, ‘yun na rin ang pangalan Niya sa amin.

Mapanganib ang aking mundo bilang mamamahayag. Ang maliit na ivory image Niya ay nasa dashboard ng aking sasakyan noong ambusin ako noong 2007. Dumikit sa tabi ng kotseng minamaheho ko ang riding-in-tandem. Dalawang putok mula sa kalibre .45 ang pinakawalan ng back rider at isa ang tumama sa aking tagiliran. Parang isang malakas na suntok ang naramdaman ko at hindi ang mga sinasabi sa komiks na mainit na tingga.

Mabilis na lumipat sa harapan ng kotse ang motorsiklo para tuluyan na akong todasin. Kinuha ko ang imahe ni “Paye” at mahigpit ko Siyang niyapos sa aking palad kasabay ng panawagan na huwag Niya akong pababayaan.

Itinutok ng hitman – isa siyang propesyunal na mamamatay tao – ang baril sa akin at paulit-ulit na kinakalabit ang gatilyo pero hindi pumutok. Bumatangal. Tumakas na lang sila at iniwan na ako. Noon ko naramdaman ang pagmamahal sa akin ni “Paye”. Hindi Niya ako pinabayaan. Totoong may himala sa mundo kapalit ng matapat na pananalig.

At hindi Niya rin ako ipinaopera para manganib pa ang buhay. Tanda ko pa ang sinabi ng doktor sa loob ng emergency room ng ospital: “Linisin na lang ang bullet wound, tapalan ng plaster at ilabas na ako.” Akala ko nga ay nagbibiro lang. Pero seryoso. Ipinaliwanag niya sa akin na mas delikado pang operahan ako. Hindi daw naman ako mamamatay maski na may bala ako sa loob ng katawan. Anting-anting pa raw ‘yun, ang biro pa niya.

Hanggang ngayon ay nasa loob pa ng katawan ko ang tingga ng bala. Hindi umaalis sa kanyang lugar, isang tuldok ang distansya sa aking spinal column. Kung hindi napigilan ng taba ng aking katawan ang humahaginit na bala noong barilin ako, baldado ako tiyak dahil wasak ang gulugod ko.

Nananatili pa rin ang imahe ni “Paye” sa dashboard ng sasakyan ko hanggang ngayon. VIVA PIT SENYOR!

Ano ang nangyari sa kaso ng pagbaril sa akin? Wala. Ibinasura ng korte. Kulang daw sa ebidensya. Hindi na ako naghabol. Why? Ito ang hiling sa akin ni “Paye” – patawarin ko na sila. Amen.

##########

Nakararanas ba kayo na may Facebook invite pero kapag binuksan mo ang profile ng gustong makipagkaibigan ay ito ang bubulaga sa iyo – “…… locked his/her profile”. Natatawa na lang akong naiimbyerna. Paano ako makikipagkaibigan sa isang tao na ayaw namang ipakilala ang kanyang sarili? Ang resulta – matik na delete sa invitation.

Marami ngayong ganito sa Facebook. Basta’t ang post ay tungkol sa pulitika, tiyak na babahain ng comments. Lintik pa ang mga lengguwahe sa kabastusan at kawalang-hiyaan. Garapal na pagmumura ang mga salita. Pero kapag binuksan mo naman ang account upang kilalanin mo siya, locked ang kanyang profile. At ito ang mas matindi. Tingnan mo kung ilan ang kanyang FB friends, madalas ay iilan lang. Ilang taon na ang FB, kokonti pa lang ang friends? Wala pang profile photo. Basta’t kung ano lang ang ilagay. Suma total – peke ang FB account. Isa lang sa mga troll na nagkalat sa FB. Hindi totoong tao.

Ang mga ito ang nagkakalat ng mga disimpormasyon at kasinungalingan sa Facebook. Na kapag tatanga-tanga ka, agad mong tatanggapin na totoo at ikakalat mo pa. Kaya, todo ingat sa pagbabasa sa Facebook upang hindi madenggoy.

59

Related posts

Leave a Comment