MY POINT OF BREW Ni JERA SISON
BAKIT ba tinawag na ‘Pilipino time’? Nagsimula ito noong panahon na sinakop tayo ng mga Amerikano. Kadalasan kasi, ang mga kausap nilang mga Pilipino ay palaging atrasado dumating sa takdang oras na pinagkasunduan. Kaya binansagan ng mga Amerikano ang kaugalian nating mga kababayan na “Filipino Time”.
***
Tila hindi yata nawala ang kaugalian nating mga Pilipino hanggang ngayon. Para bang tanggap natin kapag ang kausap natin ay ‘late’ dumating sa usapan maski na umabot pa ng mahigit isang oras.
***
Maaaring magtaka kayo kung ano ang kinalaman o kaugnayan ng “Pilipino Time” kay Pangulong Bongbong Marcos? Iniuugnay ko ito sa mabagal na paglabas ng mga presidential appointments mula sa Malacañang.
***
Dyuskupo. Mahigit limang buwan na ang nakalipas ay wala pa rin nakatalagang mga kalihim ng Department of Health (DoH) at Department of National Defense (DND). Dagdag pa dito ay marami sa mga inilagay ng Palasyo na namumuno sa mga ahensya ng gobyerno ay officer-in-charge o kaya naman ‘acting capacity’ lamang. Bakit kaya?
***
Kadalasan ay ang mga lumalabas na presidential appointments ay mas naging kontrobersyal pa imbes na mapanatag ang loob ng sambayanan. Ang tinutukoy ko ay ang mga kontrobersyal na pag-appoint ng undersecretaries at general manager sa DoH at DOTr. Sana naman ay huwag na ito madagdagan pa.
***
Bakit ‘Acting’? Bakit ‘OIC’? Sa mahigit na limang buwan ay wala pa bang matibay na desisyon si PBBM upang magtalaga ng magaling na opisyal sa mga ahensya ng gobyerno? Pati ang ilan mga ahensya ng gobyerno na kailangan ng commissioners o kaya naman director ay kulang-kulang. Paano uusad ang mga plano at programa nila kung hindi makapagpapasa ng board resolutions?
May Chairman o Presidente ka nga ng mga ahensya ng gobyerno subalit nakanganga sila.
***
Nananawagan ako kay PBBM at kanyang mga opisyal na kasama sa pagpili ng mga opisyal ng ating pamahalaan. Huwag naman sana mawala ang tiwala namin sa gobyernong ito dahil sa kupad ng aksyon ng administrasyon ni PBBM. Binigyan na kayo ng malaking puhunan. Mahigit na 31 million ang bumoto kay PBBM. Nagbigay ng tiwala ang mga Pilipino sa kanya. Kayong nasa paligid ni PBBM ay hindi binoto ng sambayanan. Ayusin ninyo at tulungan ninyo si PBBM. Huwag pansarili ang isipin ninyo. Ang kaugalian na ‘Pilipino Time’ ay angkop lamang sa takdang oras ng pagdating sa usapan. Hindi ginagamit ang ganitong kaugalian pagdating sa kinabukasan ng ating bayan. Palagay ko ang sentimyentong ito ay nararamdaman ng karamihan ng ating mga kababayan.
***
MAIBA NAMAN TAYO. Ang local gaming platform na OKBet ay nagsagawa ng programa upang makatulong sa mga atleta ng Pilipinas. Ang tawag dito ay “Play it Forward”. Kilala ang ating bansa bilang isa sa mga bansa sa Asya na talagang mahilig sa basketbol. Kaya naman itong buwan ng Oktubre, nagkaroon sila ng basketball camp sa mga kabataan na nasa edad mula 16 hanggang 20 anyos.
***
Kasangga nila dito ay ang liga ng boxing legend at dating senador na si Manny Pacquiao na Maharlika Pilipinas Basketball League team GenSan Warriors OKBet. Gagabayan sila ni head coach Marlon Martin. Ang nasabing basketball camp ay makakatulong ma-develop ang skills, knowledge at values ng mga kabataan.
***
Pinangunahan ni OKBet’s Vice President for Marketing and Business Development Robert Chen at corporate social responsibility manager Pebbles Muniz ang programang ito at nagkaroon ng memorandum of agreement (MOA) sa koponan ng GenSan Warriors representatives Valerie Flores at team manager Mermann Flores.
