PBBM NADUWAG! MAKIKIPAG-USAP NA SA MGA DUTERTE?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TILA nabahag ang buntot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., matapos na makita n’ya ang resulta ng katatapos ng eleksyon, na hindi kinagat ang kanilang panawagan sa mga Pilipino na iboto ang senatoriables ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

May mga pagkakataon pa na zero o walang bumoto sa ilang lugar sa Mindanao sa mga kandidato ng administrasyon, na nagpapakita na hindi nila gusto ang ginawa ni PBBM kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ni Anthony Taberna, natanong si PBBM kung bukas ba siya na makipag-usap sa mga Duterte, sinabi naman ng pangulo na anomang oras ay bukas siyang makipag-usap sa pamilyang Duterte.

Ayon pa kay Pangulong Marcos, marami na raw siyang kaaway, kaya ayaw na niyang madagdagan pa ito.

Kasabay nito, inamin din ni PBBM na may mga pagkukulang ang kanyang administrasyon na nakaapekto sa katatapos na eleksyon na naging dahilan kaya kakaunti lang sa mga kandidatong senador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, ang nanalo.

Sinabi pa ni PBBM, sinabi ng mamamayan na “Tama na ang pamumulitika ninyo, kami naman ang asikasuhin nyo.” “Disappointed ang tao sa serbisyo ng gobyerno, masyadong mabagal ang gobyerno,” banggit pa niya.

Inamin din niya na inuna ng kanyang administrasyon ang malalaking proyekto na hindi masyadong naramdaman ng mga Pilipino.

Kinakailangan aniya na tutukan ang problema sa trapik, transportasyon na araw-araw nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino.

Idinagdag pa niya na may tulong medikal ang gobyerno na hindi masyadong nabibigyan ng pansin kung kaya’t hindi ito alam ng mga ordinaryong mamamayan.

Inamin din ni Marcos na nahihirapan siyang magpatupad ng mga pagbabago sa mga tanggapan ng gobyerno dahil sa mga balakid tulad ng pangamba ng mga opisyal ng gobyerno na baka maimbestigahan sila ng Commission on Audit (COA).

Duda naman ang mga Pilipino na makikipag-usap ang mga Duterte kay Pangulong Marcos dahil sa ginawa umano nitong pagkidnap sa dating Pangulong Duterte na naging dahilan nang pagkakakulong ng huli sa The Hague, The Netherlands.

Isa pa sa nakadagdag sa galit ng mga Pilipino sa PBBM admin ay ang ginawa nitong pagpapa-impeach kay VP Inday Sara Duterte.

Bistado rin ang kanilang plano na kaya patuloy na ginigiba nila ang mga Duterte ay para pigilan ang pagtakbo ni VP Sara sa 2028 Presidential Election.

Tinangka rin ng PBBM administration ang pagsusulong ng People’s Initiative (PI) na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez, subalit hindi ito tinanggap ng mga Pilipino.

Ngayon, tila malabo na magtagumpay ang kanilang planong pagpapatalsik kay VP Sara dahil kakaunti lamang ang mga nanalong senador na kakampi ng administrasyon.

Kahit anong daming pera ang inyong ipamudmod sa taumbayan kung ayaw nila sa inyo ay wala kayong magagawa.

Tapos ngayon dahil nakita n’yo na mabango pa rin si dating Pangulong Duterte sa mga Pilipino, sasabihin mo, PBBM, na bukas ka para makipag-usap sa mga Duterte.

Anong tingin mo kina Tatay Digong at VP Sara, mga bata? Matapos mo agawan ng lollipop ay isasauli mo na ngayon dahil galit na sila?

Hindi ganoon kadaling tanggapin ang ginawa n’yong perwisyo sa mga Duterte, na hindi nagustuhan ng mga Pilipino.

Dahil lang sa mga ambisyong pampulitika, sinira n’yo ang inyong pagiging magkaibigan?

Wala ka ring utang na loob kay Duterte, sa tagal na nakatengga ang tatay mo sa inyo na hindi naililibing ay ipinalibing niya sa Libingan pa ng mga Bayani. Tapos ganoon ang gagawin n’yo sa kanya?

Paano kung marami sa inyong senatoriables ang nanalo, malamang hindi ka lalambot, baka lalo n’yo pang gipitin ang mga Duterte? Hindi ba katrayduran ‘yan?

Dahil hindi kayo nagtagumpay sa inyong masamang plano sa mga Duterte, ngayon sasabihin mong bukas ka para makipag-usap sa kanila.

Baka magkatotoo ang sinabi noon ni Pangulong Duterte na matutulad ka sa iyong ama (Ferdinand Marcos, Sr.) na pinababa ng taumbayan sa Palasyo ng Malakanyang.

Alalahanin mo ngayon na itinuturing nang bayani ng mga Pilipino si dating Pangulong Duterte.

Sa katunayan, kaliwa’t kanang makikita ngayon na ginagawan ng mga monumento si dating Pangulong Duterte, hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang mga bansa sa buong mundo.

67

Related posts

Leave a Comment