TINAWAG na “paranoid” ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos umano siyang paulit-ulit na atakehin ng administrasyon kahit wala naman siyang ginagawang masama.
Sa isang press conference sa Kamuning Bakery bilang panauhing pandangal sa World Pandesal Day, sinabi ni Duterte na tila sobra ang pagtingin sa kanya ng kampo ng Pangulo.
“Kahit saan ako magpunta, tinatanong kung ilan ang kasama ko. Kapag may opisyal ng gobyerno na bumisita sa akin, agad sinasabi — ‘bakit, ano’ng ginagawa niyan kay Inday Sara?'” aniya.
Ayon pa kay Duterte, ang ganitong ugali ay tanda ng paranoia at insecurity.
“Kapag ang tao ay may bisyo, nagiging paranoid at insecure,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung ano ang masasabi niya sa pahayag ni Marcos na hindi aabot sa Malacanang ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng isyu ng flood control projects, sinabi ni Duterte na alam na niya ang magiging resulta ng imbestigasyon.
“Ako lang ang nagsabi niyan, ibig sabihin ako lang ang nakakaalam kung ano ang kalalabasan ng imbestigasyon,” aniya pa.
Hindi rin daw siya nagtataka na pati si Sen. Bong Go ay pinupuntirya ngayon ng Ombudsman, dahil sa pagiging malapit nito sa pamilya Duterte.
Sa bahagi ng press conference, tinanong din si VP Sara ng media kung anong klaseng tinapay umano sina Zaldy Co, Martin Romualdez, at Marcos.
“Hindi sila mga tinapay, kasi hindi makain ang mga ugali nila,” tugon ni Duterte.
Dagdag pa niya, kung siya naman ay itutulad sa tinapay — ensaymada siya, dahil iyon umano ang paborito niya.
Ibinunyag din ni Duterte na napilitan siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) dahil sa sunod-sunod na pag-atake sa kanya ng administrasyon.
Tungkol naman sa isyung politically motivated ang mga pagbatikos sa Pangulo, mariin itong itinanggi ni Duterte.
“Hindi na kandidato si Bongbong Marcos. Hindi ito tungkol sa pulitika — galit na talaga ang tao sa kanya,” pahayag ng Bise Presidente.
(JOEL O. AMONGO)
