NAKIKIPAG-UGNAYAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso upang amyendahan ang Biofuels Act of 2006 at payagan ang paggamit ng mas murang bioethanol bilang bahagi ng hakbang para mapababa ang presyo ng gasolina.
Ayon sa Pangulo, makatutulong ang naturang panukalang batas upang mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa gitna ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.
“Kinakausap na natin ang Kongreso upang amyendahan ang Biofuels Act of 2006,” pahayag ng Pangulo sa isang video message.
Sa kasalukuyan, inaatasan ng batas ang paggamit ng locally sourced bioethanol sa fuel blends upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported fuels.
Gayunman, nais ng pamahalaan na payagan ang paggamit ng mas abot-kayang bioethanol upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng gasolina.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan ang pagdaan ng mga barkong may kargang langis sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa mundo.
“Kapag nagkaroon ng problema sa daanang ito, naaapektuhan ang suplay ng langis at tumataas ang presyo nito sa buong mundo, hindi lamang dito sa Pilipinas,” ayon kay Marcos.
Ayon pa sa Pangulo, inaasahang tataas ang presyo ng langis sa susunod na linggo, kung saan maaaring tumaas ang gasolina ng P7.48 kada litro, diesel ng P17.28 kada litro, at kerosene ng P32.35 kada litro.
Nauna ring sinabi ni Marcos na hihiling siya sa Kongreso ng kapangyarihang pansamantala upang bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sakaling lumampas sa US$80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil.
Ayon sa Pangulo, ito ay magiging emergency measure upang matulungan ang mga mamimili kung patuloy na tataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sinabi rin ng Pangulo na sinusuportahan ni Frederick Go, Acting Finance Secretary, ang ideya ng pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo sakaling lumala pa ang sitwasyon sa oil prices. (CHRISTIAN DALE)
93 