INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Kabilang sa mga hakbang na binanggit ng Pangulo ang posibleng tax adjustments sa petroleum products, pagbibigay ng fuel subsidies, at pagpapatupad ng energy-saving measures sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Sa kanyang mensahe sa bayan, sinabi ng Pangulo na naapektuhan ang global oil supply dahil sa tensyon sa rehiyon, partikular sa pagdaan ng mga oil tanker sa Strait of Hormuz, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa buong mundo.
“Kapag may kaguluhan sa rehiyong iyon, gumagalaw ang presyo ng langis. Gumagalaw ang presyo ng kuryente. Gumagalaw ang presyo ng lahat ng bilihin,” ayon sa Pangulo.
Ayon kay Marcos, inaasahang tataas ang presyo ng langis sa susunod na linggo. Sa pagtataya, maaaring tumaas ang gasolina ng ₱7.48 kada litro, diesel ng ₱17.28 kada litro, at kerosene ng ₱32.35 kada litro.
“Malinaw sa atin ang tanong ng maraming Pilipino ngayon: Ano ang gagawin ng pamahalaan? Naghahanda na po tayo,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na nakikipag-ugnayan na siya sa Kongreso upang mabigyan ng pansamantalang kapangyarihan ang Pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo kung aabot sa US$80 kada bariles ang presyo ng langis.
Kasama rin sa plano ng pamahalaan ang paglalabas ng fuel subsidies at cash transfers para sa mga sektor na higit na maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Samantala, tiniyak ng Pangulo na mahigpit na minomonitor ng pamahalaan ang market prices upang maiwasan ang hoarding at profiteering.
“Nakikiusap ako sa ating mga negosyante at traders: huwag ninyo sanang samantalahin ang sitwasyong ito. Ang hoarding at profiteering ay labag sa batas,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi rin ni Marcos na patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang kalagayan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration habang naghahanda para sa posibleng repatriation ng mga Pilipinong nais nang umuwi sa bansa.
Sa kabila ng mga hamon, nanawagan ang Pangulo ng pagkakaisa sa publiko.
“Hindi natin kontrolado ang digmaan. Pero kontrolado natin kung paano natin poprotektahan ang Pilipino,” ani Marcos.
(CHRISTIAN DALE)
198 