NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Portugal upang mapadali ang posibleng pagbabalik sa bansa ni dating cong. Zaldy Co.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kinakailangan ang kooperasyon ng bansang kinaroroonan ni Co dahil walang hurisdiksyon ang mga awtoridad ng Pilipinas na arestuhin siya sa ibang bansa.
“You cannot bring him home because that is not the way it works. We have to ask the assistance of the country where he is in, which is presently Portugal,” pahayag ng Pangulo sa panayam sa New York City.
Aniya, naghain na rin ang gobyerno ng kahilingan para sa Red Notice mula sa Interpol upang matunton ang kinaroroonan ng dating kongresista.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang Red Notice ay isang kahilingan sa mga law enforcement agency sa iba’t ibang bansa na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang pugante na hinahanap ng ibang estado.
Si Co ay isa sa mga pangunahing akusado sa flood control scam at pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal.
(CHRISTIAN DALE)
41 