(CHRISTIAN DALE)
HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga bise-gobernador na makiisa at tulungan ang administrasyon para makamit ang pagbabago at kaunlaran ng bansa.
Ang panawagan ng Pangulo ay inihayag nito sa oath-taking ceremony ng mga opisyal ng League of Vice Governors of the Philippines (LVGP) sa President’s Hall ng Malakanyang.
Sa kanyang official Facebook page, kinilala ni Pangulong Marcos ang gampanin ng mga bise-gobernador bilang “agents of change.”
“Dalangin ko na ang bawat isa ay makikipagtulungan sa ating administrasyon upang makamit ang pagbabagong hangad natin para sa bansa,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng LVGP sa pangako ng mga ito na magiging tapat na public servants.
“Lubos ang ating pasasalamat sa mga bise gobernador na kasapi ng League of Vice Governors of the Philippines na nanumpang sila’y magiging tapat na lingkod-bayan sa mga mamamayan ng kanilang mga probinsya,” anito.
Ibinahagi naman ng Chief Executive ang ilang larawan na kuha sa idinaos na oath-taking ceremony.
Ang LGVP ay kinabibilangan ng mga bise-gobernador ng 81 lalawigan sa buong bansa.
