PBBM SINUSPINDE EXCISE TAX SA LPG, KEROSENE

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde sa excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Sa press conference sa Malacañang nitong Lunes, Abril 13, sinabi ng Pangulo na tinanggal ang buwis sa mga produktong direktang ginagamit sa araw-araw.

Ayon sa Pangulo, aabot sa P3.30 hanggang P3.36 kada kilo ang ibababa sa LPG, katumbas ng halos P37 na bawas sa isang tangke, habang P5.65 kada litro naman ang bawas sa kerosene.

Binigyang-diin niya na makatutulong ito sa pagpapababa ng gastos sa pagluluto at iba pang pangunahing pangangailangan.

Samantala, sinabi ng Pangulo na tatalakayin pa sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) meeting sa Abril 14 ang posibleng hakbang hinggil sa excise tax sa diesel at gasolina.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang sektor upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng global oil crisis.

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapabilis ng import permits, pagtanggal ng ilang bayarin sa fish ports, at pagbili ng Department of Agriculture sa sobrang ani ng mga magsasaka upang maiwasan ang pagkalugi.

Dagdag pa rito, palalawakin ang Benteng Bigas program at bababaan ang ilang bayarin sa mga pantalan upang hindi madagdag sa presyo ng pagkain.

Tiniyak ng Pangulo na patuloy ang hakbang ng pamahalaan upang maramdaman ng publiko ang ginhawa sa kabila ng umiiral na hamon sa ekonomiya.

(CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment