(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)
HINDI kumbinsido ang Filipino-Chinese businessmen sa paandar ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa di umano’y pagbaba ng krimen sa Metro Manila.
Katunayan pa, ayon sa Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCI), 56 na insidente ng kidnapping ang naganap nitong nakalipas na 10 araw – katumbas ng 5 hanggang 6 kada araw na pagdukot sa Metro Manila, partikular sa mga lungsod ng Maynila, Pasay, Parañaque, Makati at Taguig.
Sa pahayag kamakailan ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ipinagmalaki ng opisyal ang aniya’y 11% tapyas sa naitalang kriminalidad sa unang walong buwan ng taon, kumpara sa datos na nakalap para sa mga buwan ng Enero hanggang Agosto 2021.
Para sa mga negosyanteng miyembro ng PCCCI, may sapat na dahilan sila para mangamba lalo pa’t karaniwang biktima ang mga Tsinoy na tulad nila.
Sa pulong-balitaan na dinaluhan ni House Minority Leader Marcelino Libanan at PNP deputy chief for Administration Jose Chiquito Malayo, nagpahiwatig ng pangamba ang hanay ng PCCCI –
“Recent disturbing events create a state of fear and uneasiness among the Filipino Chinese Community. This is because of the recent rampant kidnapping cases both in Metro Manila and some parts of Luzon,” ani Lugene Ang na tumatayong Pangulo ng nasabing grupo.
Agad namang kinontra ni Malayo ang datos ng PCCCI, kasabay ng giit na apat lang – at hindi 56 – ang naganap na kidnapping mula Enero hanggang Agosto.
Gayunpaman, nanawagan ang PNP official sa mga biktima (kung meron man), na tumungo sa kanilang tanggapan para kagyat na matugunan.
“You mentioned there are indeed kidnapping incidents. We appreciate that if somebody could come to our office we will deal with it immediately. We promise you that we will support and protect our Chinese in Binondo,” ani Malayo.
Kamakailan lang, naglabas ng direktiba si PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. para sa pagtatalaga ng mas maraming pulis sa mga lansangan sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa pagpasok ng tinatawag na “Ber” month.
Kabilang sa mga inatasang lumabas para sa pinaigting na “police visibility” ang mga pulis na dating nakatalaga sa mga tanggapan ng mga himpilan ng pulisya.
Walang Kinatatakutan
Paniwala naman ni House minority leader Rep. Marcelino Libanan, wala nang kinatatakutan ang mga sindikato sa likod ng mga naglipanang krimen sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang isang Kidnap-For-Ransom group na binubuo ng mga Tsino. Aniya, karaniwang target ng nasabing sindikato ang pagdukot sa mga kapwa Intsik at mga Tsinoy.
“We want these kidnapping gangs preying on the Filipino-Chinese community stamped out right away. We do not want their nefarious activities to mutate into a larger threat,” ani Libanan makaraang dumalo sa isang pulong kasama ang PCCCI.
Sa nasabing pulong, hayagang tinukoy ni PCCCI Secretary General Bengsum Ko ang mataas na antas ng kidnapping incidents sa mga lungsod sa southern Metro Manila, kabilang ang Pasay, Parañaque, Makati at Taguig
Estilo pa umano ng mga kidnapper ang pagkuha ng video sa biktima habang pinahihirapan ng mga miyembro ng sindikato.
“And the truth of the matter is that these kidnappers are foreigners, Chinese for that matter, so we should never allow these foreign criminal syndicates to do whatever they want in our country,” ayon pa sa sulat ni Ang kay Libanan.
233