PATULOY na naitataboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang malalaking sasakyang pandagat ng China sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pahayag ng PCG na wala sa kanilang bokabularyo na magpatakot o magpatinag sa mga monster ship ng Chinese Coast Guard (CCG).
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa WPS, sa gitna ng iligal na pananatili ng malalaking sasakyang pandagat ng China sa loob ng teritoryo ng ating bansa, wala sa kanilang hinagap na dagain, kahit pa mas maliit na barko ang kanilang BRP Cabra, patuloy aniya nitong napapalayo ang CCG vessel na 3103 sa baybayin ng Zambales.
Sa ngayon, nasa layo na itong 90-100 nautical miles mula sa Exclusive Economic Zone.
Samantala, bukod sa CCG 3103, nakaantabay malapit dito ang CCG 3304 at ang monster ship ng China na CCG 5901.
Pero sabi ni Tarriela, sa kabila niyan ay hindi yuyuko ang Pilipinas at hindi papayagan na makalapit sa baybayin ng Zambales na ilang linggo nang tinatangka ng China.
Magugunitang kamakailan gumamit ang China ng long range acoustic device para harasin ang barko ng Pilipinas sa WPS.
Karaniwan kasi gumagamit ang China ng water cannons at mga delikadong maneuvers para takutin ang mga barko ng Pilipinas.
Ang LRAD ay isang specialized loudspeaker na maaaring maglabas ng higanteng tunog upang maging sanhi ng pinsala sa eardrum pati na rin ang permanenteng pagkawala ng pandinig o pagkabingi. (JULIET PACOT)
