MASAYANG ipinagdiwang ang tradisyunal na “Prosperity Tree Lighting sa Plaza San Lorenzo Ruiz nitong Biyernes, Enero 24, 2025 sa Binondo, Manila.
Ito ang opening salvo sa pagsalubong ng Chinese New Year 2025 sa distrito ng Binondo, Maynila, ang pinakamatandang Chinatown sa mundo.
Ang mga Manilenyo ay nakatakdang salubungin ang ‘Year of the Snake’ na may masiglang pagdiriwang na inorganisa ng Lungsod ng Maynila, Manila Chinatown Development Council (MCDC), Department of Tourism, Culture and Arts of Manila ( DTCAM) at ang Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO).
Sa inspirational talks ni Mayor Honey Lacuna, binigyang-diin nito “Ang mga pagdiriwang ngayong taon ay nangangako ng mga hindi malilimutang karanasan na nagpapakita ng masiglang diwa ng Maynila habang pinararangalan ang ating kultural na pinagmulan.”
Kabilang din sa nakiisa sa selebrasyon si Vice Mayor Yul Servo Nieto, Congressman Joel Chua at Manila City Administrator Bernie Ang.
Ang “Prosperity Tree Lighting” ang isang natatanging kontemporaryong pag-install ng sining na sumisimbolo sa pag-asa, swerte at pagpapala.
Puspusan ang paghahanda ng Manila City Council sa pagsalubong ng Bagong Taon ng mga kapatid nating Tsinoy.
Bukod sa pag-iilaw ng maswerteng puno, nakatakda ring isagawa ang “Countdown ng Chinese New Year” sa Jones Bridge sa darating na Martes Enero 28, 2025, ganap na 11:00 ng gabi.
Inaasahang mga nakasisilaw na paputok na may futuristic na twist ang sasalubong sa ating magandang kapalaran.
Susundan naman ito kinabukasan ng Chinatown Golden Parade sa Manila Post Office sa Miyerkules, Enero 29, 2025 sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Damhin ang tradisyonal na mga sayaw ng dragon at leon, makukulay na float, at mga cultural display sa pagdiriwang ng Filipino-Chinese heritage. (JULIET PACOT)
