PCO SECRETARY BIKTIMA NG FAKE NEWS

HINDI sukat akalain ni Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz na siya mismo ang mabibiktima ng fake news.

Ito ay kasunod ng pagkalat ng mapanirang larawan ni Sec. Ruiz na kasama umano ang dating tauhan ng negosyanteng si Atong Ang na isinasangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Nilinaw ni PCO Sec. Jay Ruiz na naimbitahan lamang siya sa kaarawan ng isang social media content creator kung saan kuha ang lumabas na larawan niya kasama ang dating tauhan ni Atong Ang na inuugnay sa missing sabungeros.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, batay sa pag-uusap nila ni Ruiz ay pinaunlakan lang daw nito ang imbitasyon.

Subalit hindi aniya kontrolado ng kalihim kung sino ang iba pang naimbitahan sa naturang okasyon.

Batay sa lumabas na mga larawan, kasama ni Alan Bantiles sina Ruiz at maging sina Sen. Erwin Tulfo at Chavit Singson sa magkakahiwalay na okasyon.

Hinala ng kalihim, may nagsasagawa ng “demolition job” laban sa kanya na layong patalsikin siya sa pwesto.

Isang linggo pa lamang umano ang kalihim ay tila may gusto na agad siyang paalisin.

Paglilinaw ni Ruiz, hindi naman niya ginusto ang posisyong ito, biglaan nga aniya ang lahat ng ito na hindi naman niya tinanggihan sa kagustuhang makatulong sa Marcos administration para labanan ang fake news.

Pero hindi niya akalain na siya mismo ang mabibiktima ng fake news.

(JESSE RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment