PCSO AT PHILRACOM, PINAGTIBAY ANG KOOPERASYON PARA SA PAGPAPAUNLAD NG HORSE RACING INDUSTRY

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG mahalagang hakbang ang naisakatuparan kamakailan nang pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina PCSO General Manager Melquiades Robles at PHILRACOM Chairperson Aurelio De Leon.

Layunin ng kasunduang ito na higit pang pagtibayin ang samahan ng dalawang ahensya sa pagpapaunlad at pagpapalago ng industriya ng horse racing sa Pilipinas.

Ang seremonya ng pagpirma ay ginanap sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City, kung saan kasama rin si PCSO Racing Committee Chairperson at Assistant General Manager Atty. Lyssa Grace Pagano, na nagpatibay sa ugnayan ng dalawang tanggapan.

Sa kabuuan, magkakaloob ang PCSO ng P17,250,000 bilang suporta sa 14 na race events na nakatakdang isagawa ngayong 2026.

Alinsunod sa Republic Act 1169, tungkulin ng PCSO na maglaan ng pondo para sa mga programang pangkalusugan at serbisyong pangkawanggawa ng bansa, na isinasakatuparan sa pamamagitan ng iba’t ibang palaro ng ahensya tulad ng lotto, sweepstakes, at karerang pangkabayo.

Sinasabing ang bagong kasunduan ay nagbibigay-diin sa papel ng ahensya sa pagsuporta sa mga legal at responsableng gawain na may positibong epekto sa lipunan.

Ang MOA ay hindi lamang nakatuon sa aspetong pangkabuhayan at pampalaro. Ito rin ay simbolo ng patuloy na suporta ng PCSO sa horse racing industry.

Aba’y sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo, premyo, at tropeo, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabahagi ng industriya na higit pang mapaunlad ang kanilang kakayahan at magkaroon ng mas makabuluhang kompetisyon sa buong taon.

Mahalaga ring tandaan na ang ganitong uri ng kooperasyon ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga atleta, breeders, at racing enthusiasts sa bansa.

Sabi nga, sa pagtutulungan ng PCSO at PHILRACOM, higit na napalalakas ang sektor ng pangangarera habang pinananatili ang integridad at kaayusan ng industriya.

Malinaw itong mensahe na ang pamamahala, regulasyon, at suporta sa horse racing industry ay hindi lamang para sa pansariling interes kundi para sa kabutihang panlahat.

Ito ay patunay rin ng kahalagahan ng matibay na ugnayan ng pamahalaan at mga ahensya upang maisakatuparan ang mga proyektong may positibong epekto sa ekonomiya, libangan, at kultura ng bansa.

47

Related posts

Leave a Comment