TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
SA mga panahong sinusubok ng kalikasan ang katatagan ng ating mga pamayanan, lalo’t higit sa lalawigan ng Quezon, hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng mga lider ng lokal na pamahalaan at ng ating kapulisan.
Nitong nakaraang mga araw, sa pagdating ng magkakasunod na bagyong Crising, Emong at Dante, muling nasubok ang kahandaan at pagkakaisa ng lalawigan sa ilalim ng matatag na pamumuno nina Police Colonel Romulo Albacea, Acting Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, at ni Governor Angelina “Doktora Helen” Tan.
Hindi madali ang pamumuno sa gitna ng sakuna, lalo pa’t ang kalaban ay ang walang kasiguraduhang galaw ng panahon.
Ngunit sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng Quezon PNP, PDRRMO, at ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils, naipamalas ng lalawigan ang isang modelo ng maagap, organisado, at makataong pagtugon. Ang direktibang ibinaba ni PD Albacea sa lahat ng Chiefs of Police na manatiling naka-full alert status ay isang patunay ng kanyang determinasyon na maging laging handa sa anomang sitwasyon.
Hindi rin maikakaila ang epektibong liderato ni Gov. Helen Tan na, sa kabila ng lahat, ay patuloy na nakabantay at nag-uulat mula sa Quezon Preparedness Operations Center. Ang kanyang presensya ay hindi lamang nagbibigay inspirasyon kundi naglalatag din ng malinaw na direksyon sa mga ahensyang katuwang ng probinsya. Ang kanyang pagiging doktor at public servant ay lumilitaw sa kanyang malasakit at mabilis na pagkilos, animo’y isang ina ng lalawigan na hindi natutulog sa pagbabantay sa kanyang mga anak.
Sa ganitong mga panahon, higit kailanman, nangangailangan ang mamamayan ng boses ng katiyakan, pagkilos na may direksyon, at serbisyong may malasakit. At dito natin makikita ang tunay na diwa ng “serbisyong tapat at handa”—isang panata na hindi lamang ipinahahayag sa salita kundi isinasabuhay sa gawa.
Ang pagtutulungan nina PD Albacea at Gov. Tan ay hindi lamang salamin ng mabuting pamamahala kundi isang patunay na sa lalawigan ng Quezon, ang kapangyarihan ay hindi ginagamit para mamuno lamang, kundi upang maglingkod nang buong puso.
Sa kanila, ang bawat Quezonian ay may katiyakan—na hindi sila nag-iisa sa oras ng pangangailangan.
Sa harap ng paparating pang mga hamon ng panahon at kalikasan, hangad natin na patuloy pang tumibay ang ugnayan ng kapulisan at pamahalaang panlalawigan.
Hinihikayat din natin ang bawat mamamayan na makiisa, makinig sa mga opisyal na anunsyo, at maging aktibong kalahok sa pagpapanatili ng kaayusan.
Ang Quezon ay lalawigan ng matatapang at matitibay. Sa pamumuno nina PD Romulo Albacea at Gov. Helen Tan, tiyak na mananatiling matatag ang bawat Quezonian—anomang bagyo ang dumaan.
