MAS gusto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang government-to-government transaction sa pagbili ng vaccine laban sa COVID-19 mula sa China.
Ang katuwiran ng Pangulo, mas bukas kasi ang korapsyon kapag nakipag-deal sa private entities.
“Ayaw ko ‘yung bibili tayo sa private Chinese businessmen. Diyan magkakalokohan,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang taped address, araw ng Martes.
“Hindi kami manghihingi, we will pay. Sana government-to-government ang transaction, walang corruption,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, mayroon nang inilaan ang pamahalaan na 2.5 bilyong piso para ibili ng vaccines laban sa COVID-19, subalit sinabi ng Department of Health na ang halagang ito ay kapos ng P10.5 billion.
Gayunman, sinabi ng Chief Executive na mayroon siyang “full confidence” na matutulungan ng Chinese government ang Pilipinas pagdating sa bakuna laban sa COVID-19.
“I believe in Chinese expertise and knowledge. Hindi ako nagkamali, meron na sila,” ang pahayag ni Pangulong Duterte.
“I had a meeting with the [Chinese] ambassador [to the Philippines], he said the vaccine is there. It is a matter of kung paano i-distribute, and what kind of transaction it would be for them and for us,” dagdag na pahayag nito.
Aniya pa, sa ngayon, tanging ang Sinovac vaccine ng China ang may malinaw at dumaan sa masusing pagsisiyasat ng Vaccine Experts Panel (VEP) ng Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)
