PEKENG ‘SOCIAL PULSE’ BINUKING NG LEGIT SURVEY GROUPS

NAGBABALA ang mga lehitimong survey organizations laban sa isang pekeng grupo na nagpapanggap bilang opisyal na tagapaglabas ng election survey gamit ang pangalang Social Pulse Philippines.

Ayon sa kanila, ang nasabing grupo ay nagpapakalat ng pekeng datos upang linlangin ang publiko ngayong papalapit ang halalan.

Ayon sa imbestigasyon, ang grupo ay gumawa lamang ng Facebook page noong Enero 2025 at nakapagparehistro ng business name sa DTI noong Pebrero 2025 gamit ang pangalang Social Pulse Market Research Services. Ngunit, ang ginagamit nito sa publiko ay Social Pulse Philippines—isang malinaw na paglabag sa DTI regulations ukol sa tamang paggamit ng rehistradong pangalan sa mga pampublikong materyales.

Ang nasabing modus operandi ay nakarehistro sa isang Karen Caye Datay Policarpio, na ayon sa ulat ay isang call center agent na walang kaukulang background sa statistics, political research, o social science. Wala itong business permit, opisyal na tanggapan, o mga kwalipikadong tauhan.

Ang ipinahayag nilang opisina sa Eco Tower, Taguig City ay napatunayang hindi umiiral, ayon mismo sa pamunuan ng gusali.

Ayon sa mga lehitimong survey firms, ang operasyon ng Social Pulse ay hindi isang tunay na pananaliksik kundi isang uri ng voter manipulation.

“Ito ay peke at mapanlinlang. Walang batayang metodolohiya, at ginagamit lamang upang impluwensyahan ang opinyon ng mga botante,” anila.

Ang paggamit ng ibang pangalan sa publiko bukod sa opisyal na rehistrado ay hindi lamang mapanlinlang kundi dapat masusing imbestigahan ng mga ahensyang may kapangyarihan. Ang Social Pulse ay isang halimbawa ng “disimpormasyon na nagkukubli sa anyo ng survey.”

Binigyang-diin din ng grupo walang mga estadistikyan, analyst, o validated methodology ang grupong ito—pawang ilusyon lamang ng pagiging lehitimo.

Nanawagan ang grupo sa DTI, SEC, at Comelec na agad gumawa ng mahigpit na sistema ng akreditasyon para sa mga survey firm upang maprotektahan ang publiko mula sa ganitong panlilinlang.

“Sa gitna ng halalan, ang maling impormasyon ay may kapangyarihang sirain ang tiwala ng mamamayan. Dapat tayong maging mapagmatyag,” paalala ng grupo.

46

Related posts

Leave a Comment