DPA ni BERNARD TAGUINOD
MARAMI ang nagsasabi na peke ang YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program para Malayo sa Sakit (YAKAP) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isa sa kanyang ipinagmalaki sa kanyang State of Nation Address (SONA) noong nakaraang linggo.
Sa ilalim ng YAKAP, wala na raw babayarang hospital bills sa mga government hospital kahit magkano pa ‘yan at libre na ang pagpapa-check-up, at screening sa malalang mga sakit tulad ng cancer.
Pero pekeng Yakap daw ito dahil ang mga inililibre sa hospital bills ay ‘yung mga pasyente na nasa ward lang at hindi kasama roon ang mga nasa private room o payward na tinatawag na mas maganda kahit papaano ang serbisyo kumpara sa ward kung saan magkakasama ang mga tao na may iba’t ibang sakit.
Heto pa ang masaklap, 87 sa 721 government hospitals lang iniimplementa ang Yakap at hindi raw kasama ang mga specialized hospital katulad ng Heart Center, Lung Center, National Kidney and Transplant Institute at Philippine General Hospital.
Matagal nang libre ang mga pasyenteng mahihirap sa mga piling government hospital tulad ng mga provincial hospital kaya bakit pa ibibida kung matagal na itong ginagawa? Para may maibida lang?
Saka kung talagang gustong yakapin ng administrasyon ang mga Pilipino na may mga karamdaman, bakit hindi sa lahat ng mga hospital ito ipatupad at hindi lang ang mga nasa ward ang ilibre kundi maging ang mga nasa pay ward.
Maraming kaanak ng pasyente ang napipilitang ilagay sila sa pay ward dahil laging punuan sa ward kaya wala silang choice at tulad ng mga nasa ward, Pilipino rin naman ang mga nasa pay ward!
Saka dapat ipatupad ito sa lahat ng mga hospital at hindi lang sa provincial medical centers para maging makatotohanan ang pagyakap sa mga Pilipinong nangangailangang ng tulong ng gobyerno kapag nagkakasakit sila.
At higit sa lahat, hindi lang mga tinatawag ng gobyerno na indigent o mahihirap na pasyente ang dapat ilibre kundi lahat ng mga Pilipino kasama na ang mga nasa middle class o working class dahil ang pondong ginagamit sa programang ito ay galing sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa working class kinukuha ng PhilHealth ang kanilang pondo kaya karapatan nila na malibre sila sa pagpapagamot tulad ng paglibre sa mga indigent na hindi miyembro at hindi naghuhulog ng kanilang kontribusyon buwan-buwan.
Ang nangyayari, kinukunan ng pera ang working class para ilibre ang mga hindi miyembro sa PhilHealth pero kapag sila naman ang nangangailangan, sasabihin nila na kaya niyo naman ang magbayad! Parang walang hustisya talaga sa bansang ito.
Alam kong dapat tulungan ang mga mahihirap pero dapat ding tulungan ang working class dahil sila ang nagbabayad ng buwis na ninanakaw lang ng mga kawatan sa gobyerno at ayaw man nilang mag-contribute sa PhilHealth ay wala silang magagawa dahil otomatik na kinakaltas ito sa kanilang sahod! Isipin nyo!
