UNTI-UNTI nang nagpapalit daw ng estilo ang sindikato ng mga Tsekwa mula sa dating illegal drugs ay sa mga pekeng sigarilyo na sila ngayon.
Nitong mga nakaraang araw ay sunod-sunod ang pagkakakumpiska ng ibat-ibang pwerto sa bansa ng milyun-milyong pisong halaga ng mga pekeng yosi.
Dati rati madalas na bagsakan ng mga pekeng sigarilyo ay karagatan lamang ng Mindanao na sakop ng Port of Zamboanga, ngayon maging sa Port of Batangas, Port of Manila at Port of Subic ay
nakakasabat na rin ng mga pekeng sigarilyo.
Iisa lang ang ibig sabihin nagpapalit na ng estilo ang smugglers ng drugs patungo sa yosi.
Halos ganun din daw kasi ang kitaan dito, mas mababa pa ang parusa sa pagpupuslit ng pekeng yosi.
Kasi hindi naman nagbabayad ng duties and taxes ang mga ito sa Bureau of Customs (BOC), kaya tabo sa kita ang mga nasa likod nito.
Unahin po natin ang Port of Subic na pinakamalaking halaga ang kanilang nasabat na smuggled na yosi “kadiri” ika nga.
Nagkakahalaga ng 121 milyong piso na nakalagay sa 4×40 containers nang dumating noong nakaraang Agosto 22, 2020 sa nasabing pwerto mula sa China at Hong Kong.
Idineklara na ang laman ng 4 na containers ay pawang Cinnamon Bread, Frozen Pineapple Pocked Bread, Snake at Ladder Board Games, Dominos Board Games at Rubber Strips, subalit kalaunan
matapos ang eksaminasyon sa kargamento ay mga pekeng sigarilyo na hindi kilalang brand na milyun-milyong piso ang halaga.
Pumangalawa ang Port of Batangas na nasabat ng 64.4 milyung pisong halaga ng Mighty at Marvel cigarettes noong Agosto 27, 2020.
Dumating daw ang mga yosing ito sa Port of Batangas mula Guangdong, China noong Agosto 20,2020 na kalaunan ay nasamsam noong Agosto 27, 2020 ng nabanggit na pwerto.
Pangatlo ang Port of Manila (POM) na nakasamsam ng 36 milyung pisong pekeng Fortune at Marlboro noong Agosto 28, 2020.
Dumating ang shipment na ito sa POM noong Agosto at noong Agosto 28, 2020 timbog sa mga tauhan ng pwerto.
Unang idineklara ang kargamento na ito bilang cable connectors at kalaunan ay natuklasang pekeng Fortune at Marlboro.
Naka-consigned ang kargamentong ito sa Trendlink Home Source Incorporated.
Kadalasan ang bagsakan ng mga sigarilyong ito ay sa mga probinsiya na hindi alam ng mga adik sa yosi na peke pala.
Tulad ng Fortune at Marlboro na kilalang brand ng sigarilyo, siyempre mabibili siya sa mga lalawigan.
At kahit pa tulad ng Mighty at Marvel na yosi ay mabibili rin sa mga lalawigan dahil mura lang daw ang presyo ng mga ito.
Sabi nga ng mga sunog baga, ang mga nagyoyosi sa mga probinsiya ay kahit dahon nga ng Papaya na pinatuyo ay pinatitiyagaan nila, sigarilyo pa kayang tunay? May tama sila sa kanilang sinasabi.
Pero teka muna raw, sabi ng tagasubaybay ng PUNA bakit hindi raw binanggit ng Port of Subic at Port of Batangas kung kanino naka-consigned ang kanilang mga nasabat na yosi?
Kapansin-pansin daw na POM lang ang naglabas kung kanino naka-consigned ang kanilang nasabat na yosi. Bakit nga ba? O baka naman nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon sa mga sangkot.
Antayin po natin dahil naglilinis ngayon si Bureau of Customs (BOC) Rey Leonardo Guerrero ng mga tiwaling tauhan ng BOC… baka mahagip kayo dyan.
“Sir may kaugnayan kaya ang sabay-sabay na pagpupuslit ng mga pekeng sigarilyo sa nalalapit na 2022 presidentials elections?”, tanong ng tagasubaybay ng PUNA.
Yun ang hindi natin alam, abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.
Ang mga nasabat na shipments ay pawang lumabag sa Section 1400 o “Misdeclaration, Misclassification, and Undervaluation in Goods Declaration” na may kaugnayan sa Section 1113 “Property
Subject Seizure and Forfeiture” ng Customs Modernization and Tariff Act.
Nag-aantay ang tagasubaybay ng PUNA kung maaabot ng latigo ni Gen. Guerrero ang mga nasa likod ng pagpupuslit ng maramihang yosi sa bansa.
-oOo-
Para suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
