PINALAGAN ni Senate President Vicente Sotto III ang plano ng pamahalaan na isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila at ilang bahagi ng bansa kung walang ipatutupad na mas malawak na mass testing sa malalayong lugar upang matukoy kung gaano kalawak ang sakit.
Sa pahayag, sinabi ni Sotto na lubhang nakapag-aalala kung papayagan nang bumalik sa trabaho ang milyong manggagawa kahit mataas pa ang datos ng COVID-19 infections sa Metro Manila na itinuturing na epicenter ng pandemya.
Inihalimbawa ni Sotto ang Senado na mayroong 20 empleyado na nasuring positibo sa isinagawang rapid testing sa lahat ng staff na nagbalik-trabaho nang buksan ang sesyon nitong Lunes.
Aniya, nagsagawa rin ng confirmatory swab testing sa mga empleyado saka magbibigay ng tulong medikal ang Senado sa magkakasakit at susuportahan din ang kanilang pamilya.
Sinabi ni Sotto na dapat magsilbing eye opener sa gobyerno at pangkalahatang populasyon ang karanasan ng Senado na nagsusulong na paluwagin ang quarantine rules kahit mataas pa ang banta ng COVID-19.
“These employees duly complied with the stay-at-home order of the government. They just stayed inside their homes for almost two months. They were not exposed to anyone who is sick of COVID-19. They did not show and feel any of the symptoms. Kung sila na nasa bahay lang at sumunod sa lahat ng health protocols ay nag-positive sa virus, siguradong mas malala ang pwedeng mangyari kung ma-lift na ang enhanced community quarantine at ang lahat ay papayagan nang lumabas ng kanilang mga bahay,” ayon kay Sotto.
Ayon kay Sotto, habang nagsasagawa ng mass testing ang Department of Health (DOH) sa lahat ng lalawigan, dapat itong palawakin upang sakupin ang mas maraming mamamayan para matukoy ng health officials kung gaano kalawak ang impeksiyon at nahawahan ng COVID-19.
Iginiit ng senador na magsisilbing babala sa lider ng gobyerno ang magiging resulta ng pinalawak na mass testing laban sa hindi napapanahong pag-aalis ng kasalukuyang ECQ sa Metro Manila at ibang lugar at magmadali patungo sa general o relaxed quarantine. ESTONG REYES
