PINAWALANG bisa ng Sangguniang Bayan ng Pakil ang tatlong resolusyon na nauna nang nagdeklara ng “no objection” sa planong pagtatayo ng hydropower dam.
Ito ay dahil sa mahigpit na pagtutol ng mga residente at mga environmentalist group sa hydropower dam project na balak itayo sa kabundukan ng Sierra Madre sa tuktok ng bayan ng Pakil at Paete sa Laguna.
Ayon sa mga tumututol, ang Ahunan Hydropower Dam Project ay hindi lamang makasisira sa mga likas-yaman sa Sierra Madre kundi magiging dahilan din ng pagkasira ng watershed ng dalawang nabanggit na bayan at posible ring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian ng mga residente roon.
Kabilang sa mga grupong tumututol ang mga organisasyong Etnikobandido, Defend Ecology network, UnDatu Life at Protect Sierra Madre for the People, kasama ang mamamayan ng dalawang bayan.
Ang Ahunan Hydropower Dam Project ay 1,400-megawatt pumped-storage hydropower na joint venture ng dalawang malaking electric unit companies na binabalak itayo sa 299.40-hectare site sa kabundukang sakop ng Pakil at Paete.
Base sa primer ng proyekto, ang Ahunan Hydropower Dam Project ay hihigop ng tubig mula sa Laguna de Bay, iaahon sa itatayong napakalaki at napakalalim na reservoir o imbakan ng tubig, mistulang lawa o malaking dam sa ibabaw ng bundok ng Pakil at ibabagsak pabalik sa lawa para lumikha ng kuryente.
Maaapektuhan ng proyekto ang mga sanga-sangang batis at ilog sa Pakil at Paete na siyang pinagkukunan ng water supply ng dalawang bayan.
Maging ang water source ng mga spring resort ay maaapektuhan din umano ng proyekto at ang mga ilog na pinagliliguan ng mga mananampalataya ng Birheng de los Dolores de Turumba o Birhen ng Turumba.
Dahil dito, binawi ng Pakil LGU ang tatlong naunang resolusyon ng pagsang-ayon nito sa proyekto. Ang resolusyon ay ipinasa ng nasabi ring kapulungan noong 2020 at 2021.
Ikinatuwa naman ng mamamayan ng Pakil ang anila’y pagkambyo ng kanilang mga opisyal laban sa proyekto. (NILOU DEL CARMEN)
