KINUMPIRMA ni Presidential spokesperson Harry Roque na pinagkalooban ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ang ibig sabihin, ani Sec. Roque ay makalalaya na si Pemberton.
Si Pemberton ay nahatulang guilty sa kasong homicide dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014.
“Wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA (Good Conduct Time Allowance), wala nang issue kung applicable pa sa kanya ‘yong batas dahil hindi siya nakulong sa National Penitentiary,” ayon kay Sec. Roque.
“Binura na po ni Presidente kung ano pa ‘yong parusa na dapat ipapataw kay Pemberton,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Ang hindi lamang aniya nabura ng Pangulo ay ang pagiging mamamatay-tao ni Pemberton.
Sa kabilang dako, hindi na aniya kailangang bigyan ng dahilan ni Pangulong Duterte ang hakbang niyang ito dahil ang pag -grant aniya ng pardon at parole ay hindi tungkulin ng hudikatura kundi ng ehekutibo.
Kaya, pwede na aniyang umuwi si Pemberton dahil meron na siyang pardon mula sa Pangulo. (CHRISTIAN DALE)
195 