PENSYON PINAPATUBO O SADYANG WALA NA?

HINDI na bago ang katiwalian sa ilalim ng ­administrasyon ni Pangulong ­Rodrigo Duterte. Katunayan, halos gugulin ng Pangulo ang malaking bahagi ng kanyang termino sa pagpuksa sa mga itinalaga niya sa pwesto.

Ang siste, tila nag-iisa na lang ang Pangulo sa kanyang kampanya kontra dorobo sa gobyerno.

Katunayan, ni hindi na tumitindig ang balahibo ng mga tiwali sa kabila pa ng kanyang babalang kakasuhan ang sinoman sa sandaling makatunog siya ng bulilyaso. Eh paano ba naman kasi, hanggang sa huling taon niya sa kanyang termino, wala naman yatang naipakulong na korap sa kanyang pamahalaan.

Ang masaklap, pati ang kapwa niya senior citizen, tinatalo pa. Ito ang kwento ni Casiano Mayor, isang retiradong peryodistang aking nakasama sa Manila Bulletin ng mahabang panahon. Sa kanyang pagreretiro, pinili niyang pumisan sa kanyang tinubuang bayan sa Bacolod, kasama ang kanyang mag-ina.

Bagama’t malakas pa naman si Cass (‘yan ang tawag namin sa kanya noon), normal lang sa mga may edad na ang pag-inom ng maintenance medicines para manatiling malusog, lalo pa’t nakaumang pa rin ang banta ng COVID-19.

Ang siste, ang pensyong kanyang inaasahang ­paghuhugutan ng pambili ng gamot nilang mag-asawa’y di na nila nakukuha. Narito ang bahagi ng kanyang liham:

“I was supposed to get my pension for December noong December 16. Pero hanggang ngayon hindi pa nare-remit. Nangyari na rin ito sa akin noong January 2015 at every January ng previous years. Hindi ko na nakuha mga perang hindi nai-remit,” ani Cass sa kanyang P7,000 monthly pension muna sa Social Security System (SSS).

Sa kabuuan, halos pumalo ng P600,000 ang ninakaw na pension kay Cass. Isa pa lang siya ng lagay na ‘yan. Paano kung 10 ang pinagkaitan ng pension – P6 ­milyon. Ipagpalagay nating 100 matatanda ang tulad niya ang kinahinatnan – eh ‘di tumataginting na P60 milyon.

Sa dami ng senior citizens na nasa talaan ng pensyonadong miyembro ng SSS, hindi na ako magtatakang lagpas pa sa isang bilyon ang tinamaan ng kung sinong impakto man ang nasa likod ng pangungurakot ng pondong tanging inaasahan nina Lolo at Lola.

Normal lang naman ang paminsan-minsan ay ­mabalam ang pagbibitaw ng tanging inaasahan ng mga senior citizens, pero sadyang katangi-tangi ang SSS.

Ang tanong – posible bang ibinulsa ng kung sinong impakto sa gobyerno ang pensyon ng mga senior citizen?

Ang sagot – oo naman at ‘yan mismo marahil ang kinahinatnan ng pensyong hindi natatanggap ni Cass at milyon pang ibang senior citizens.

Bukas ang pitak na ito sa paliwanag ng SSS. Para sa mga reklamo, sumbong o pagtutuwid, maaaring makipag-ugnayan sa fernanjoseangeles@gmail.com.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

256

Related posts

Leave a Comment