DPA NI BERNARD TAGUINOD
MARAMI ang nagdududa na ginagamit sa pulitika ang mga permanent position sa gobyerno lalo na sa Local Government Units (LGUs) kaya marami ang bakanteng trabaho na walang tao.
Halos 178,000 ang permanenteng posisyon sa gobyerno at karamihan sa mga ito ay mga trabaho sa LGUs pero hindi nilalagyan ng mga tao kahit pinopondohan ito taon-taon sa national budget.
Papaanong nangyari? Halos lahat yata ng mayor ay may utang na loob sa kanilang supporters na pinapangakuan ng trabaho kapag sila ay nakapuwesto na at kailangan nilang tuparin ‘yun dahil kung hindi ay delikado siya sa kanyang reelection bid.
Ipagpalagay natin na may 500 permanent position sa isang LGU na ang sahod ay higit P25,000 na lang kada buwan kaya may pondo na P12,500,000 ang mga trabahong yan.
Ngayon, kukuha na lang ng job order (JO) at contractual employees ang LGU na papasahurin ng P10,000 kaya imbes na 500 ang empleyadong kukunin nila sa mga posisyon, magiging 1,250 na.
Mas dadami pa ‘yan kapag P5,000 hanggang P8,000 kada buwan lang ang ipinapasahod ni Mayor sa kanyang JO at contractual employees.
Ang mga karaniwang kinukuha ng mayor na JO at contractual employees ay supporters, anak ng mga barangay kagawad, anak ng isang malaking angkan na nakatulong sa kanya noong siya’y tumatakbo.
Ipagpalagay na lang natin na 1,250 ang kanilang binigyan na trabaho at may 5 botante sa pamilya, nakakasiguro na si Mayor ng 6,250 boto agad. Malaking lamang agad pagdating ng eleksyon.
Kaya duda ako na malalagyan ng tao ang mga permanenteng posisyon na ‘yan hangga’t patuloy na namumulitika at pansariling interes ang umiiral sa mga halal na lingkod-bayan lalo na sa LGUs.
Hindi lang naman sa LGUs maraming bakanteng posisyon kundi sa national government offices o mga ahensya ng gobyerno na hindi kumukuha ng mga tao kahit may pondo na sa mga trabahong ‘yan.
Ang istilo naman dyan, sadyang tinitipid ng mga boss ng government agencies na ‘yan ang kanilang pondo para pagdating ng year-end, magkakaroon sila ng malaking savings.
Hindi naman ibabalik sa national treasury ang kanilang natipid dahil bago mag-expire ang budget sa katapusan ng taon, magbibigay ng karagdagang benepisyo si Boss sa kanilang mga empleyado.
Saan kukunin ang pera?
Siyempre dun sa savings nila mula sa mga permanent position na hindi nila nilagyan ng tao at hindi barya ‘yan ha, dahil ang pinag-uusapang sahod na tinipid ay isang taon.
Para sa kaalaman ng marami, ang government employees ay 14th month ang kanilang bonus. Ang 13th months ay ibinibigay sa buwan ng
Mayo para daw may magamit sila sa enrollment ng kanilang mga anak at ang 14th month sa Pasko naman nila makukuha.
Meron pa silang P5,000 cash gift pero lalong lolobo pa ‘yan kapag malaki ang natipid ng isang ahensya mula sa mga bakanteng position na hindi nila o sadyang hindi nila nilagyan ng tao… ‘di ba ang diskarte nila?
232 