‘Person of interest’ sa Lapid killing tinukoy TULONG NG PUBLIKO HININGI NG DILG

UMAPELA si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. sa publiko na magbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng  ‘person of interest’ sa pagpaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid.

Nahagip kasi ng  closed-circuit television (CCTV) footage ang imahe ng nasabing mga suspek.

May kasalukuyang pabuya na P1.5 million cash, nakiusap si Abalos sa publiko na kagyat makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) kung mayroon silang nalalaman sa pagkakakilanlan at kung saan matatagpuan ang ‘killers’ ni Lapid.

Kasabay nito, ipinakita ni Abalos ang blown-up photo ng naturang  ‘person of interest’ mula sa CCTV footage.

“Napakaimportante nito. Importanteng ma-identify natin ang taong ito. Ito po siya, pinalaki natin ito. Kitang-kita ang larawan niya, ang itsura niya at alam naman ninyo na tayo ay nagbigay ng reward P500,000, galing sa akin at P1 million galing kay Alex Lopez (anak ni dating Manila mayor Mel Lopez) at marami pang gustong tumulong,” ani Abalos.

Sinabihan naman ni Abalos  ang ‘person of interest’ sa CCTV footage na sumuko na sa mga awtoridad o ilagay sa panganib ang kanyang kaligtasan dahil may opsyon ang mastermind na kumuha sa kanya para patahimikin siya lalo pa’t lantad na sa publiko ang kanyang imahe.

“Ang pinakamagandang gawin mo, sumuko ka at pabayaan mo magtake over na ang kapulisan dito at dahil dito inuulit ko, any information on this napakaimportante sa ngayon,” wika ng Kalihim.
Samantala,  sinabi pa ni Abalos na wala nang mapupuntahan ang ‘person of interest’ dahil sa modern technology samahan pa ng pagsisikap ng mga police officers na matugis siya hindi lamang dito sa Kalakhang Maynila kundi maging sa kalapit na rehiyon.

“What I am talking about right now, it’s all regions in the Philippines. Kung saan man magtago ang taong ito nakakalat ito in social media. With the technology, lahat, every record. Hindi pa ‘yun, may NBI (National Bureau of Investigation) ka pa. Even, NBI itself is already investigating,” aniya pa rin.

Bukod sa puwersa ng kapulisan at modern technology, malaki rin aniya ang magagawa at tulong ng suporta mula sa publiko. (CHRISTIAN DALE)

CAPTION:
Ipinakita ni DILG Secretary Benhur Abalos ang larawan na kuha sa CCTV ng pinaniniwalaang salarin sa pamamaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa, aka Percy Lapid, nang humarap ang kalihim sa mga mamamahayag sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. (Danny Bacolod)

147

Related posts

Leave a Comment