PETISYON NINA ATTY. VIC RODRIGUEZ, ET AL SA GAA GUMULONG NA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

INATASAN na ng Korte Suprema ang House of Representatives, Senado at si Executive Secretary Lucas Bersamin na magkomento sa loob ng sampung araw, sa petisyon na kumukwestiyon sa constitutionality ng Republic Act No. 12116 o ang General Appropriations Act of Fiscal Year 2025 (GAA).

Ayon sa mga petitioner sa G.R. No. 277975 na sina Victor D. Rodriguez, Isidro T. Ungab, Rogelio A. Mendoza, at iba pa, labag umano ang GAA sa Konstitusyon.

Hindi umano ito naglaan ng mandatory funding para sa PhilHealth. Apektado nito siyempre ang mga ordinaryong mamamayan na walang sapat na pera para pambayad sa pagpapagamot sa mga ospital. Tsk! Tsk! Tsk!

Ayon pa sa kanila, labag din umano sa batas ang pagtaas ng mga appropriation nang higit pa sa rekomendasyon ng Pangulo at naglaan ito ng pinakamataas na budget sa imprastraktura imbes sa edukasyon.

Sinabi pa nila na ang GAA ay labag sa Konstitusyon dahil may mga blangko sa Bicameral Committee Report sa General Appropriations Bill.

Sinang-ayunan naman ito ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil may mga kinuwestiyunable siyang nakita sa GAA.

Maging siya aniya, ay may tanong sa nakapaloob sa GAA ngunit wala siyang nagawa dahil nag-iisa lamang siyang kumukuwestiyon sa Senado.

Matatandaan, kamakailan pormal na isinumite sa Korte Suprema ang pagkuwestiyon sa constitutionality o legalidad ng 2025 national budget na nilagdaan ni Pangulong Marcos.

Pinangunahan ni dating ES Atty. Vic Rodriguez at Davao City 3rd District Representative Isidro Ungab ang paghahain ng Petition for Certiorari and Prohibition laban sa ilang bahagi ng national budget.

Ayon kay Atty. Rodriguez, hinihiling sa petisyon na maisantabi at ipawalang bisa ang 2025 GAA dahil ilegal at unconstitutional ang pagkakaroon ng blangkong item sa naturang panukala.

Binigyan-diin pa ni Atty. Rodriguez, kasabwat sa sinasabing biggest money heist, ang mga mambabatas na hindi tumutol sa pagpasa ng Bicam report.

Kasama sa tinukoy ng mga petitioner sa kanilang petisyon ang bahagi ng pondo ng Department of Agrarian Reform, National Irrigation Administration at Philippine Coconut Authority na may blangkong item sa pondo.

Ang petisyon na ito nina Atty. Rodriguez at Cong. Ungab ay sinagot ni Pangulong Bongbong Marcos na bahagi ng destabilisasyon o i-destabilize ang gobyerno, ang hakbang na hamunin ang ‘constitutionality’ ng 2025 GAA sa Korte Suprema. Pikon? Ang pikon ay natatalo.

Ano kaya ang kahihinatnan ng BBM admin ‘pag naideklarang ilegal ang GAA? Mahirap kasi, pasok lang nang pasok, pero wala kayong pakialam sa iba, maraming Pinoy ang matatalino na hindi niyo kayang paikutin.

Abangan na lang natin ang usapin sa Korte Suprema sa susunod na mga araw.

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa operarioj45@gmail.com

2

Related posts

Leave a Comment