IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Korte Suprema ang pagdedesisyon sa petisyong inihain ng grupo ng mga abogado at educators na humihiling na ipatigil ang pagpapatupad ng newly-signed measure o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Ang katuwiran ng mga petitioner ay naglalaman ito ng probisyon na nakasusuklam sa Saligang Batas.
“The Palace will leave it to the SC to decide on these petitions and will abide by whatever the ruling is,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, ang Calleja Law Firm, sa pangunguna ni Atty. Howard “Howie” Calleja ay naghain ng petition for certiorari at prohibition with urgent prayer para sa pagpapalabas ng temporary and writ of preliminary injunction at/o iba pang injunctive remedies laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa kabilang dako, plano naman ng ilang senador, na bumoto ng hindi pabor sa pagpasa ng Anti-Terrorism Act of 2020, na patuloy na tutulan ang batas na tinawag ng mga ito bilang “unconstitutional” at “draconian.”
Sinabi ni Senator Francis Kiko Pangilinan na inasahan na niya ang desisyon ng Pangulo, ngunit nilinaw niya na hindi pa tapos ang laban.
Naniniwala naman si Senador Risa Hontiveros na naisiwalat sa pag-apruba ni Pangulong Duterte sa Anti-Terror Bill of 2020 ang prayoridad ng administrasyon habang nakikipaglaban ang bansa sa health at economic impact na idinulot ng pandemya. (CHRISTIAN DALE)
