TALIWAS sa dikta ng merkado, di hamak na mas mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas kaysa sa Singapore kung saan ibinabase ang presyong ipinatutupad sa na kilala sa bansa.
Ayon kay dating partylist Rep. Ariel Casilao ng Anakpawis, maging sa simpleng pagtatala sa palitan ng pera, labis na ang pahirap ng mga kumpanya ng langis sa mga Pilipinong konsyumer at maging sa hanay ng magsasaka.
Aniya, malaki ang diperensiya sa umiiral na presyo ng langis sa Singapore na higit na kilala sa mataas nitong “living standard.” Sa kanyang kwenta gamit ang Means of Platts Singapore – ang mismong mekanismong gamit ng mga local oil companies bilang basehan ng kanilang ipapataw na presyo ng gasolina, krudo, kerosene, at maging LPG, lumalabas umanong P4 hanggang P5 ang patong ng mga local oil companies sa mga ibinebentang produktong petrolyo sa Pilipinas.
Bunsod nito, nanawagan si Casilao sa Department of Energy (DOE) na tutukan at pag-aralan ang galaw ng presyo ng langis sa bansa kumpara sa Singapore na kung tutuusin aniya ay dapat mas mahal ang benta ng langis dahil sa taas ng kanilang “cost of living standards.”
Binigyang halimbawa pa ng kongresista ang mga datos na kanilang nakalap – mula Enero, nasa P11.49 lamang kada litro ang itinaas sa Singapore, kumpara sa P16.55 kada litrong umento sa Pilipinas.
Sa diesel naman aniya, P10.86 lamang kada litro ang itinaas sa Singapore, habang sa Pilipinas ay P15.
“There is nothing good to hope for from the Duterte government or DOE, to scrutinize the increasing trend of oil prices, on whether it was precisely triggered by rising oil prices in the world market,” ani Casilao.
Sa kabila ng kanyang pagsisiwalat, hindi na rin umano sila umaasa pang pakinggan ng gobyerno ang kanilang panawagan dahil sa laki ng pakinabang na nakukuha sa mga mandarayang kumpanya ng langis – P131 bilyon, aniya.
Una nang umapela ang mga mambabatas at iba pang sektor ng lipunan sa gobyerno para sa suspension sa umiiral na excise tax. (BERNARD TAGUINOD)
228
