INAPRUBAHAN na ng Department of Health (DoH) ang pagbibigay ng unang Pfizer booster sa edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Ito ang pagkumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nang tanungin ng mga mamamahayag kung aprubado na ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagbibigay ng nasabing booster shot na Pfizer sa mga menor de edad.
Ayon kay Vergeire, binabalangkas na ng DOH ang guidelines nito at sa lalong madaling panahon ay mailalabas na.
Maalala na ang paggamit o pagtuturok ng Pfizer vaccine para sa booster shots ng nasabing age group ay inirekomenda ng Health Technology Assessment Council o HTAC, kay Duque.
Ang emergency use authorization o EUA para sa Pfizer bilang booster shot sa nabanggit na mga menor de edad ay inamyendahan ng Food and Drug Administration o FDA. (RENE CRISOSTOMO)
