TINIYAK ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa desisyon ng Iran na payagan ang ligtas na pagdaan ng mga barkong may dalang energy supplies patungong Pilipinas sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakausap niya si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro hinggil sa isyu, at wala aniyang nakikitang magiging problema sa ugnayan ng bansa sa Estados Unidos.
“Wala po tayong nakikitang magiging isyu sa ating kaibigang bansa na US dahil nauunawaan naman nila ang sitwasyon. Maaaring ihalintulad ito sa pag-angkat natin ng langis mula sa Russia,” ani Castro.
Batay sa ulat, pinayagan ng Iran ang Pilipinas na makadaan nang libre sa Strait of Hormuz ang mga barkong may dalang produktong petrolyo. Ibig sabihin, hindi sisingilin ng toll fee ang Pilipinas.
Fuel Tax Suspension
Samantala, magsusumite ng rekomendasyon ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa posibleng suspensyon ng excise tax sa petroleum products.
Ayon kay Castro, magpupulong ang DBCC at ang Pangulo sa Abril 7 upang talakayin ang nasabing usapin, na mananatiling subject sa pag-apruba ng Pangulo.
“Let us keep in mind that taxes are the lifeblood of the government, kaya kailangan nating balansehin ang lahat,” ani Castro.
Nauna nang sinabi ng Department of Budget and Management, chair ng DBCC, na tinutukoy pa nito ang pinal na policy direction.
Sa ilalim ng Republic Act 12316, maaaring suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa fuel batay sa rekomendasyon ng DBCC at sa koordinasyon sa Department of Energy.
Pinapayagan ang naturang hakbang nang hanggang tatlong buwan kung ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore, ay aabot o lalampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang $102 kada bariles ang presyo.
(CHRISTIAN DALE)
20 