DALAWANG araw bago ipagdiwang ng Philippine Army ang kanilang ika-125 founding anniversary na may Temang: “Philippine Army @ 125: Kapayapaan Para Sa Lahat,” isang bayaning tauhan ng 4th Infantry Division ang nagbuwis ng buhay nang lumaban nang sabayan sa mga miyembro ng CPP-New People’s Army na tumambang sa kanila.
Ayon kay Philippine Army Commanding General, Lt. Gen. Romeo Brawner, “Today, the 4th Infantry (Diamond) Division mourns the loss of another soldier hero who paid the ultimate sacrifice of dedicating his life in service to the country and protection of the people.”
Sa ulat na isinumite sa punong himpilan ng Hukbong Katihan ng Pilipinas, sa Fort Bonifacio, bandang alas-6:40 ng umaga noong Linggo, isang Army personnel at isang CAFGU ang tinambangan makaraang makipagpulong sa LGU ng Cabadbaran City para livelihood projects na kanilang sinusuportahan para sa mga residente.
Kinilala ang napatay na si Staff Sergeant Darryl Jay A. Rivera, Assistant Patrol Base commander, habang sugatan naman si CAA John B. Odon, na nakatalaga sa Lusong Patrol Base sa Brgy. Puting Bato, Cabadbaran City, sa ilalim ng 29th Infantry Battalion.
Lulan ng Habal-habal motorcycle, habang binabagtas ang Puting Bato road papuntang Sitio Lusong ay pinagbabaril ang dalawang tauhan ng Army ng mga armadong kasapi ng communist terrorist group (CTG).
Nabatid na si SSgt. Rivera ay isa sa recipients ng meritorious promotion, ngunit bunsod ng nangyaring engkwentro sa Zapanta Valley, ay namatay ito habang nakikipaglaban. Ayon kay CAA Odon, nagawa nilang makalayo sa killing zone at pabalik na sila sa kanilang patrol base nang tambangan ng mga NPA. (JESSE KABEL)
1636
