PHILHEALTH, ‘DI BINABAYARAN SA TAMANG ORAS ANG CLAIMS NG MGA OSPITAL

NAGSIMULA na nga ang laban ng bansa kontra sa mas nakahahawang Delta variant. Tumataas na naman ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw.

Kasalukuyang nasa 1.7 ­milyon ang ­kabuuang bilang ng naitalang kaso nito. Upang mapigilan ang tuluyang pagkalat ng virus, muling isinailalim ang ilang bahagi ng bansa sa ECQ at MECQ. Nauna nang ­kumalat ang Delta ­variant sa mga bansang US at UK sa kabila ng mataas na antas ng bakuna nito. Sa antas ng bakuna ng ating bansa na higit 10% pa ­lamang, hindi na kataka-taka kung tuluyan itong kakalat dito sa kabila ng pagpapatupad ng lockdown.

Wala pang dalawang linggo mula nang ipatupad ang ECQ pero ilang pribadong ospital na sa Metro Manila ang nagdeklara ng full capacity. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang mga indibidwal na mayroong Delta variant ay karaniwang mas nangangailangan ng serbisyong medikal mula sa ospital.

Kaugnay nito, dapat masiguro na ang lahat ng mamamayan, ano man ang estado sa buhay, ay may access sa serbisyong medikal lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Noong Abril 2020, ipinahayag ng DOH na ang bawat Pilipino ay may coverage mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa bisa ng Universal Health Care Law. Nagpalabas pa ito ng iba’t ibang mga benefit package na nasa halagang P43,997 hanggang P786,384 depende sa kalubhaan ng pagkakasakit.

Sa kasamaang palad, tila nahihirapang makapagbayad ang PhilHealth sa mga ospital na miyembro nito, na siyang kasalukuyang suliranin ng ­ilang mga ospital sa bansa.

Ilang mga grupo ng mga ospital ang nagpahayag ng pag-aalala at pagkadismaya dahil patuloy na lumulobo ang bayarin ng PhilHealth sa mga ito. Ayon kay Philippine Hospital Association President Dr. Jaime Almora, tinatayang nasa P20 bilyon na at patuloy pang lumalaki ang utang ng PhilHealth sa kanilang organisasyon.

Samantala, ipinahayag naman ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) President Dr. Jose Rene de Grano na nakaaapekto na sa kanilang badyet para sa sweldo ng mga healthcare worker at pondo para sa mga supply, ang hindi pagtanggap nito ng mga claim mula sa PhilHealth sa tamang oras.

Sa ating pagharap sa panibagong yugto ng laban kontra COVID-19, mahalagang masiguro na ­mananatiling matatag at handa ang ating healthcare system. Kung hindi ­gagampanan nang maayos ng PhilHealth ang kanilang ­responsibilidad na bayaran ang mga ­miyembro nitong ospital, manganganib din ang laban ng bansa kontra COVID-19. Kung hindi natin ­mapagtatagumpayan ang hamong ito, tiyak na babagsak din ang ekonomiya ng ating bansa.

Araw-araw ay isinusugal ng mga healthcare worker ang kanilang buhay upang mapanatili tayong ligtas laban sa COVID-19. Mahalagang alagaan din natin sila sa pamamagitan ng pagsiguro na sila ay nababayaran nang sapat at sa tamang panahon.

223

Related posts

Leave a Comment