TILA sinasamantala na ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang natitirang panahon nito sa ahensya upang gamitin ang kanyang kapangyarihan.
Sa mga nagdaang kontrobersya ng alegasyon sa mga dating airport officials ay hugas-kamay si Morente at pinabulaanan na siya’y may kinalaman sa umano’y mga katiwalian sa airport ngunit ngayon ay halos sunod-sunod ang kanyang pagpirma upang bawiin ang exclusion order laban sa Chinese nationals na hinaharang ng Immigration officers.
Ang Immigration officers sa ating mga paliparan partikular sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang laging agrabyado dahil madalas na ginagawa nila ang kanilang trabaho sa bandang huli ay nawawalang saysay ang kanilang hirap at ang nagpapakasarap ay ang kanilang mismong hepe.
Bago isalang sa counter ng immigration sa airport ang Immigration officers ay dumaan muna ang mga ito sa matinding training sa batas at kung anong nararapat
na hanapin na mga dokumento ng isang dayuhan kung sila ba ay nararapat na payagang makapasok sa ating bansa.
Malinaw sa inilabas noong August 11-12 na Exclusion Order No. POD T3-21-08-012 at POD T3-21-08-013 na hindi pumasa ang apat na Chinese nationals na sina “MO ZHIQIANG, LI QIBO, DENG QUANBAO at XU JIAWEI,” sa interview ng Immigration officers, sila’y hindi lehitimong manggagawa ng isang kompanya na nakabase sa bansa kung kaya’t isinama ang apat sa listahan ng excluded passengers at nakatakda sanang pabalikin ang mga ito sa China.
Ngunit laking gulat ng mga tauhan ng BI sa airport nang noong August 13 ay may kautusan galing sa Office of the Commissioner na Recall of Exclusion Order na pirmado ni Morente at pinapayagan na ang apat na makapasok ng bansa kahit ang mga ito ay nakatakda na sanang pabalikin sa China.
Ang tanong! Magkano kaya at sino ang mga opisyales ng BI main office ang nakinabang dito? Ayon sa ating nakalap na impormasyon, isang nagngangalang “HEIDI” ang suki at malakas umanong magpapirma ng Recall of Exclusion Order? Sino kaya itong Heidi na ito at ganun na lamang kalakas? Accredited kaya ito sa ahensya upang maglakad ng mga papeles? Abangan sa susunod at ating iimbestigahan ang raket ni Heidi at ng kanyang mga kasabwat.
Para sa inyong Sumbong at Reaksyon maaari ninyo akong i-text sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
272 