PhilHealth, DPWH, DA unang target MGA KORAP PINAKAKALOS NI DIGONG

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang inter-agency task force sa pangunguna ni Justice Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan ang korapsyon sa buong pamahalaan.

Sa taped address na ipinalabas araw ng Martes ay ipinag-utos din ng Pangulo sa task force na imbestigahan ang diumano’y korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“It behooves upon me to see to it na itong corruption mahinto or at least maputol nang konti,” ayon kay Pangulong Duterte.

Binalaan ng Pangulo ang mga tiwaling opisyal na hindi sila maililigtas ng pagbibitiw sa puwesto mula sa criminal o administrative liability.

Binigyang halimbawa ng Pangulo ang nangyari sa PhilHealth kung saan mahigit 40 senior officials ang nagbitiw sa puwesto para mabigyang daan ang reorganization ng scandal-plague agency.

“Let me remind everybody in this government. Your resignation will not save your neck,” giit ng Pangulo.

“You are not allowed to resign to escape liability,” diing pahayag nito.

Pinasasama rin ng pangulo ang Department of Agriculture (DA) sa mga prayoridad na masiyasat laban sa korapsiyon.

Sa ngayon ay nakatuon ang pansin ng Pangulo sa DPWH subalit nais na niyang ipasilip ang posibleng katiwalian sa DA.

Inulit din ng Pangulo na ibubuhos niya ang kanyang nalalabing panahon sa kanyang termino para masugpo ang korupsiyon kaya inatasan nito ang DOJ na silipin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Isang Memorandum aniya ang kanyang inilabas dito na magiging epektibo hanggang June 30, 2022.

Nauna rito, pinalawig ni Pangulong Duterte ang saklaw ng imbestigasyon ng inter-agency task force na binuo nito para tingnan ang korapsyon sa pamahalaan.

Binuo ng Chief Executive ang inter-agency body noong buwan ng Agosto para imbestigahan ang alegasyon ng korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa kabilang dako, sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang masamang tinapay kay DPWH Secretary Mark Villar, kung saan ay pinuri pa nga niya ito sa kanyang accomplishments bilang isa sa mga ‘key official’ ng pamahalaan pagdating sa infrastructure program.

Bumuo ng task force ang DPWH para tutukan ang mga paratang ng korapsyon sa ahensiya.

“We are looking at some complaints. We will be even more aggressive. Ngayong may task force mas lalo namin tututukan,” sabi ni Public Works Secretary Mark Villar.

Sa kaniyang talumpati noong gabi ng nakaraang Lunes, muling binanatan ni Pangulong Duterte ang DPWH dahil talamak umano ang korapsyon sa ahensiya, kung saan bilyon-bilyong pondo ng gobyerno ang napupunta para sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Pero idiniin ng pangulo na ang puntirya niya ay ang ilang tauhan ng ahensiya at hindi si Villar, na mula sa isang bilyonaryong pamilya.

“Si Villar mayaman. Sec. Villar maraming pera, ‘di kailangan mangurakot. Ang problema, sa baba. Malakas pa rin hanggang ngayon. ‘Yung mga projects sa baba, ‘yun ang laro diyan,” sabi ni Duterte.

Sa 2019 report ng Commission on Audit sa DPWH, lumalabas na talamak ang overpricing sa mga proyekto at may pinababalik din itong higit P431 milyon na patong ng mga contractor.

Isa sa 184 projects na overpriced umano ay ang rehabilitasyon ng drainage sa Katipunan Street sa Marikina City, na sinasabing sobra ng higit P5 milyon.

Sinita rin ng COA ang delayed at hindi nasimulang mga proyekto, na higit P100 bilyon ang halaga.

 

PACC nilaglag

Samantala, mistulang ‘inilaglag’ ni Pangulong Duterte ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) nang atasan niya ang DOJ na imbestigahan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaang umiiral pa rin ang korapsyon hanggang ngayon.

Binuo ni Duterte ang PACC noong Oktubre 2017 upang imbestigahan nito ang mga opisyal ng pamahalaang sangkot sa katiwalian, korapsyon at pandarambong, lalo na iyong kanyang mga kaibigan at kakilalang binigyan niya ng posisyon sa gobyerno.

Itinatag ni Duterte ang PACC kahit mayroong Office of the Ombudsman na parehas din ang layunin sa una.
(May dagdag na ulat si NELSON S. BADILLA)

264

Related posts

Leave a Comment