PhilHealth officials at Cardinal Santos Med Center NAMUMURO SA PLUNDER

NAMUMURO sa kasong plunder ang ilang opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at maging ang pamunuan ng Cardinal Santos Medical Center.

Ito ang nabatid kay House committee on public account chairman Rep. Mike Defensor subalit pag-uusapan pa umano ito sa pulong ng komite ngayong araw upang aprubahan ang committee report sa inimbestigahang katiwalian sa PhilHealth.

“Yung Cardinal Santos (case) pero wala pa sa report,” ani Defensor nang tanungin kung may irerekomenda ang mga ito na kasuhan ng plunder dahil sa katiwalian sa PhilHealth.

Magugunita na lumabas sa imbestigasyon ng komite ni Defensor kasama ang House committee on good government and public accountability ni chairman Jonathan Sy-Alvarado na nawalan ang PhilHealth members ng P170 million dahil sa aregluhan na pinasok ng ahensya sa nasabing pagamutan.

Base sa pagdinig ng dalawang nabanggit na komite, umaabot umano sa P240 million ang overpayment ng PhilHealth sa Cardinal Santos Medical Center na pag-aari ng Archdiocese of Manila noong 2011.

Ito ay matapos matuklasan na binayaran na ng PhilHealth ang P60,000 hospital bills bawat isa ng may 48,000 miyembro ng mga ito subalit P3,000 lang umano ang ibinawas ng pagamutan sa mga pasyente pero siningil ang mga ito ng P57,000.

Dahil dito, ipinabalik ng PhilHealth sa nasabing pagamutan ang P240 billion subalit sila pa ang idinemenda ng Hospital Managers Inc. (HMI), ang hospital administrator ng Cardinal Santos at kalaunan ay nauwi sa aregluhan kung saan pinagbayad lamang ang nasabing pagamutan ng P70 million.

Sa batas, P50 million lamang ang sangkot na halaga para makasuhan ang mga opisyal ng gobyerno at maging ang mga pribadong grupo, ng plunder na walang piyansa. (BERNARD TAGUINOD)

195

Related posts

Leave a Comment