(ESTONG REYES)
AYAW tanggapin ni Senador Panfilo Lacson ang paliwanag ng bagong pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagsasabing liquidated na ang mahigit 92% ng P15 bilyon na ginastos sa Interim Reimbursement Mechanism, overpricing at iba pa.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na magkaiba ang liquidation sa audited na pondo na kahit nakita kung saan ginastos ang pondo, hindi nangangahulugan na legal ang paggastos dito.
“Say, if public funds were spent not for COVID-19 as required under the Interim Reimbursement Mechanism but for dialysis centers and infirmaries and which are clearly not authorized, it can still be declared as liquidated – but it does not mean funds were legally disbursed,” ayon kay Lacson.
Aniya, ilegal ang nangyari kaya may ilang dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth ang nahaharap sa kasong kriminal sa imbestigasyon na pinangunahan ng Department of Justice (DOJ).
“That is why, as we already know, some former and current PhilHealth officials presently face charges from the DOJ-led task force,” giit ni Lacson.
Kamakailan, sinabi ni PhilHealth President Dante Gierran na liquidated na ang mahigit 92% ng P15 bilyon na nawawala sa pondo ng kumpanya.
“On record, ang utos ng Senado at ng lower House, sabi i-liquidate. Sa ngayon, 92% na ang liquidated,” aniya sa Palace briefing.
“So kaunti na lang. I will not allow na ‘yung pera na mawala, galing ako sa NBI, hindi pwede mangyari ‘yan,” dagdag ni Gierran.
Sa ginanap na imbestigasyon ng Senado, natuklasan na umabot sa P15 bilyon ang sinasabing ibinulsa ng ilang opisyal ng ahensiya sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng panloloko.
Inakusahan ni dating anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na may sindikatong mafia sa PhilHealth na pawang miyembro ay matataas na opisyal na ginagatasan ang kumpanya sa maraming taon.
Kabilang sa ginagawang pagnanakaw ng sindikato ang IRM, overpricing sa pagbili ng kagamitan sa information and technology.
