NAGBABALA sa publiko ang Philippine Postal Corporation (PhilPost) hinggil sa isang bagong online scam sa porma ng isang quiz game na umiikot ngayon sa social media apps.
Base sa post ng ahenya sa kanilang official page, binalaan nito ang publiko at sinabing hindi namimigay ng financial aid ang PhilPost.
Bunsod ito ng link na isini-share ngayon sa social media na kailangan mo lang sumagot ng apat na katanungan at may tsansa ka nang manalo ng P7,000 na ayuda at maki-claim mo ito kapag nai-share ang link sa ibang tao.
Dagdag ng ahensya, maaaring magkaroon ng access ang mga scammer sa mga personal na impormasyon na hihingiin ng website sa oras na i-click ang link.
Paalala ng PhilPost, hinding-hindi gagawin ng kanilang ahensya ang tumawag, mag-text o mag-email at humingi ng personal na impormasyon o mag-request ng bayad o magpa-click ng ano mang email link para makapag-claim ng ano mang package. (RENE CRISOSTOMO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)