Makikita sa larawan (mula kaliwa) sina Atty. Kristjan Vicente T. Gargantiel, Chairman of the Board of Directors, PHLPost, Commissioner Brian Keith Hosaka, Governance Commission for GOCCs (GCG), Secretary Kim Robert De Leon, Department of Budget and Management (DBM), Postmaster General Maximo C. Sta. Maria III, Philippine Postal Corporation (PHLPost), Universal Postal Union Representatives: Thakur Subhash Sinha, Wendy Eitan, Ariya Thongbai, at Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae L. Ting.
MANILA — May magandang balita para sa mga Pilipinong nagpapadala at tumatanggap ng sulat at package mula sa ibang bansa.
Kinilala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) bilang isa sa mga postal service na sumusunod sa pinakamahigpit na international security standards matapos nitong makuha ang Gold (Level A) Certification mula sa Universal Postal Union (UPU), ang pandaigdigang organisasyon na nagtatakda ng mga pamantayan para sa mga postal service sa buong mundo.
Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay mas pinagtitibay ng PHLPost ang seguridad sa pagproseso ng international mail, mula sa pagtanggap at pag-uuri ng mga padala hanggang sa ligtas na paghahatid ng mga ito.
Mahalaga ito hindi lamang para sa PHLPost kundi para rin sa milyun-milyong Pilipino na umaasa sa koreo para sa mga dokumento, regalo, online purchases, at balikbayan packages. Kapag kinikilala ng buong mundo na pasado ang postal system ng isang bansa sa mataas na pamantayan ng seguridad, mas tumitibay ang tiwala ng mga international postal service sa pagpapadala ng koreo papunta at palabas ng Pilipinas.
Bago makamit ang Gold Certification, sumailalim ang PHLPost sa masusing pagsusuri ng mga eksperto mula sa UPU noong Nobyembre 2025. Sinuri nila ang iba’t ibang aspeto ng operasyon, kabilang ang seguridad ng mga pasilidad, paghawak sa international mail, at mga proseso upang matiyak na ligtas ang bawat padala.
Sa naturang pagsusuri, nakakuha ang PHLPost ng 599 puntos, lampas sa 558 puntos na kailangan upang makamit ang Gold certification.
Ayon kay UPU Regional Office Bangkok representative Ariya Thongbai, isa sa mga pinakamalaking pagbabago ng PHLPost ay ang tuluyang paglutas sa naipong backlog ng mga parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC), na naipon mula 2019 hanggang 2022. Aniya, malaking bahagi ito ng naging tagumpay ng PHLPost sa pagkamit ng pinakamataas na antas ng sertipikasyon.
Para kay Postmaster General Maximo Sta. Maria III, ang pagkilalang ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga empleyado ng PHLPost upang gawing mas ligtas, mas maaasahan, at mas moderno ang serbisyo ng koreo sa bansa.
Iginiit niya na higit sa isang parangal, ang Gold Certification ay simbolo ng lumalakas na tiwala ng mga international postal partner at ng publiko sa kakayahan ng PHLPost na pangalagaan ang bawat sulat at package na ipinagkakatiwala rito.
Pormal na iginawad ang Gold Certification noong Hulyo 6 sa Sheraton Manila Hotel Newport sa isang seremonya na dinaluhan ng mga kinatawan ng Universal Postal Union, mga opisyal ng pamahalaan, at mga delegado mula sa iba’t ibang postal administration sa Asia-Pacific.
32 